^

Bansa

'Pagbasura sa VFA dapat dahil sa soberanya, hindi sa paglalamyerda ni Dela Rosa'

James Relativo - Philstar.com
'Pagbasura sa VFA dapat dahil sa soberanya, hindi sa paglalamyerda ni Dela Rosa'
Huwebes nang magbanta si Duterte na ibabasura niya ang VFA kung hindi ibabalik ng Amerika ang U.S. visa ni Dela Rosa, na kinansela kamakailan.
The STAR/Krizjohn Rosales, File

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng ilang grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag gamiting dahilan ang pagkakansela ng US visa ni Sen. Ronald dela Rosa sa pagbabasura ng Visiting Forces Agreement, bagkos ay dapat nakaangkla sa soberanya ng Pilipinas.

Huwebes nang magbanta si Duterte na ibabasura niya ang VFA kung hindi ibabalik ng Amerika ang U.S. visa ni Dela Rosa.

"'Pag hindi ninyo ginawa ang correction diyan, ibabasura ko ang VFA. Nagbibigay ako ng notice at dapat na silang magbilang, binibigyan ko ang gobyerno ng Amerika ng hanggang isang buwan mula ngayon," sabi ni Digong talaumpati sa San Isidro, Leyte, sa magkahalong Inggles at Filipino.

Una nang sinabi ni Sen. Christopher "Bong" Go, kaalyado ni Dela Rosa at Bato, na tila may kinalaman ang hakbang ng Amerika sa 2020 US federal budget na may probisyong magbabawal sa pagpasok ng ilang opisyal ng Pilipinas na may kinalaman sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima sa Amerika.

Pero ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan, mali ang motibasyon ni Duterte sa planong ibasura ito.

"Simplehan na lang po natin. Ang pagbasura sa VFA ay di dapat nakasalalay sa kung bibigyan ba o hindi ng US visa si Bato. Ang pagbasura sa VFA ay matagal nang dapat ginawa dahil ito ay 'di pantay," sabi ni Renato Reyes, secretary general ng BAYAN.

"Kung gagawing sangkalan ito para magka-visa si Bato, anong klaseng policy ito?"

Ang puntong 'yan, sinang-ayunan din ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan.

Sa ilalim ng ng VFA, hinahayaan ang "unlimited" na bilang ng sundalong Amerikano sa Pilipinas nang walang espisipikong taning, bagama't hindi sinasabi ang pakay.

Ayon pa kina Reyes, ang VFA ang nagdulot ng Subic Rape Case, pagpatay sa transpinay na si Jennifer Laude, atbp.

Pagtataka tuloy ng kanilang grupo: Bakit ngayon lang umiimik ang presidente noong tinatamaan na ang malalapit sa kanya?

Bato: Hindi ito tungkol sa akin...

Kahapon, sinabi ni Dela Rosa na ayaw niya sanang gamiting pang-bargain sa pananatili ng polisiya, pero sadyang ayaw lang daw ng presidente na may naaargabyado.

"Hindi ito tungkol sa akin, tungkol ito sa maka-isang panig na ugnayang panlabas. OK lang mga sundalo nila labas-pasok sa ating teritoryo habang pinpipigilan ang senador ng republikang ito na pumasok sa teritoryo nila dahil sa nangingialam sila sa panloob na usapin natin," sabi ni Bato.

Ikinatuwa naman ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang banta ni Duterte.

Ani Locsin, nasa ilalim ng US Justice Department ng ehekutibo ang umaasikaso ng American visas, bagay na tila pagbakbak daw sa usaping diplomatiko ng dalawang bayan.

"Either seryoso kayo sa alyansang militar ng Amerika at Pilipinas o hindi," sabi ni Locsin.

Dapat idaan sa Senado?

Samantala, sinabi naman ni Erin Tañada na hindi basta-bastang dapat maibasura ang VFA nang walang pagsang-ayon ng Senado.

"Ang VFA ay tratadong niratipikahan ng Senado noong panahon ni [dating Pangulong Joseph 'Erap' Estrada]," ani Tañada.

"Sa tingin ko, ang mga tratadong niraratipikahan ng Senado ay kinakailangan pa rin ng concurrence ng Senado [bago ibasura]."

Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi kasi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi na kailangan ng pagsang-ayon ng Senado ang pagbasura sa VFA.

"Dahil ang [VFA] ay isang executive agreement kaya pwede niya itong kanselahin nang walang Senate approval," wika ni Panelo.

Dahil dito, ipinaalala ni Tanada na tratado ito at hindi basta executive agreement: "Dapat niyang aralin uli ang kasaysayan ng VFA."

Ayon naman kay Sen. Koko Pimentel, dapat nama'y lagi talagang sinisilip ang mga polisiya gaya ng VFA.

"Pwede 'yang kanselahin, meron man o walang dahilan. Pwede niya pang sabihin na nagbago na ang panahon at 'di na ito kailangan ng bansa," sabi niya, Biyernes.

Sa ilalim ng kasuduan, sinasabing mananatiling epektibo ang VFA 180 araw mula sa petsang hiningi ng kabilang partido na tapusin ang kasunduan.

'Visa, VFA walang kuneksyon'

Tila sumakit naman ang ulo ni Sen. Ping Lacson sa mga nangyayari, lalo na't wala naman daw kuneksyon ang isyu ng visa at tratado.

"Ang US visa, pagggagawad lang ng conditional authorization sa banyaga. Pwede 'yang kanselahin kahit walang paliwanag," pagpapaalala niya.

Matatandaang sinabi ni Dela Rosa na walang ibinigay na dahilan sa kanya kung bakit ito kinansela.

Kaiba sa usapin ng visa, "bilateral agreement" naman daw ang VFA sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, bagay na dumaan sa diplomatikong pag-uusap.

"Ngayon, nasaan ang kuneksyon?" sabi niya.

Ang Amerika ang nag-iisang military ally ng Pilipinas, at tinitignan ng ilan ang presensya nila sa pagtataboy ng Tsina sa pang-aagaw ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa kabila nito, nagagawa ng mga bansa gaya ng Indonesia at Vietnam na tumayo laban sa Tsina nang hindi umaasa sa pangingialam ng mga bansang gaya ng Amerika.

vuukle comment

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS

RENATO REYES

RONALD DELA ROSA

SALVADOR PANELO

UNITED STATES OF AMERICA

US VISA

VISITING FORCES AGREEMENT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with