Kambal na resolusyon para sa Taal victims aprub sa Kamara
BATANGAS City, Philippines - Inaprubahan na ng Kamara ang kambal na resolusyon na naglalayon na agarang mabigyan ng tulong at makapagpatupad ng rehabilitation plan para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa kauna-unahang sesyon na ginawa sa labas ng institusyon, pinagtibay ng mga kongresista ang House Resolution (HR) No. 662 na inakda nitong Enero 21 nina House Speaker Alan Peter Cayetano, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Bienvenido Abante, Jr. na nagsusulong sa P30 bilyong supplemental budget na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan.
Bukod dito pinagtibay din ng Kamara ang HR No. 655 na naglalayong maipalabas sa lalong madaling panahon ang pondo para sa relief efforts, resettlement, livelihood at social development programs para sa benepisyo ng mga biktima ng Taal.
Inaatasan din ng HR 655 ang mga komite na agad ipatawag ang NDRRMC upang magbigay ng briefing sa lawak ng pinsala ng kalamidad at kung ano pa ang mga kakailanganing tulong ng mga biktima ng bulkan.
Nagsagawa ng sesyon ang Kamara sa Batangas Convention Center bilang tugon sa pangangailangan ng mga residente ng Batangas, Cavite at Laguna na apektado ng kalamidad.
Hinamon naman ni Cayetano ang Kamara na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa mga kalamidad at trahedya lalo na sa aspeto ng rehabilitasyon at muling pagbangon mula sa pagkakalugmok.
- Latest