Purisima, Napeñas absuwelto sa Mamasapano
MANILA, Philippines — Inabswelto ng Sandiganbayan Fourth Division sina dating PNP chief Allan Purisima at Special Action Force chief Getulio Napeñas kaugnay sa Mamasapano incident kung saan nasawi ang 44 pulis.
Sa 18-pahinang desisyon ng anti-graft court, ibinasura ang kaso laban kay Napeñas dahil sa kawalan ng probable cause habang ang motion to quash ni Purisma ay kinatigan kaya binasura din ang kaso laban sa kanya.
Nag-ugat ang kasong usurpation of official functions at graft sa isinagawang operasyon ng SAF noong Disyembre 2014 hanggang Enero 2015 para mapatay ang international terrorist na si Zulkifli Abdhir alyas Marwan at Akmad Batabol alyas Basit Usman.
Iginiit ng Ombudsman na suspendido si Purisima bilang hepe ng PNP subalit ito ang nagmamando kay Napeñas sa pagsasagawa ng operasyon na tinawag na Oplan Exodus.
Kasama si Napeñas sa kinasuhan dahil alam umano nito na suspendido si Purisima subalit sinusunod niya ito.
Matatandaan na binawi ng prosekusyon ang kasong isinampa nito laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino dahil sa kakulangan ng ebidensya.
- Latest