Kolorum na courier ginagamit sa iligal
MANILA, Philippines — Bukod sa reklamong tumatakbo nang walang permiso at walang lisensiya, pinaniniwalaang nagagamit sa pagpupuslit ng illegal drugs at iba pang kontrabando ang ilang colorum courier services.
Ito ang ibinunyag ng Citizens Crime Watch (CCW) matapos na tumanggap ng maraming reklamo mula sa publiko laban sa mga kompanyang ito.
Sa isang pahayag-balitaan, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, chief legal counsel ng CCW, na inirekomenda niya kay CCW president Diego Magpantay na aksiyonan ang mga reklamo laban sa mga kompanyang courier services kabilang na ang kabiguang maihatid ang delivery at pagnanakaw.
Hihilingin din nila kay Department of Information, Communication and Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan ang agarang aksiyon sa dumaraming reklamo ng publiko subalit hindi naipatutupad.
Nais ng CCW na hilingin sa liderato ng Kamara na imbestigahan ito kaugnay ng pagsisiwalat ni BUHAY partylist Rep. Lito Atienza tungkol sa ilegal na operasyon ng courier services.
Umano, ilan sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga dayuhan na lantaran na pinatatakbo nang labag sa batas at sa regulasyon ng bansa.
Batay sa rekord ng DICT, umaabot sa 118 courier services ang binigyan ng akreditasyon ng kagawaran, samantalang may umiikot na “white paper” na binabanggit ang Ninja Van, Entrego at JnT Express na ilan sa mga kolorum na courier services.
- Latest