^

Bansa

44% ng Pilipino kuntento sa pagiging ICAD co-chair ni Robredo

James Relativo - Philstar.com
44% ng Pilipino kuntento sa pagiging ICAD co-chair ni Robredo
Bagama't wala pa ito sa kalahati ng populasyon, 26% lang ang nagsabing hindi sila nasiyahan sa kanyang ginawa habang 30% ang undecided.
The STAR/File

MANILA, Philippines — Mahigit apat sa sampung Pilipino ang saludo sa maiksing trabaho ni Bise Presidente Leni Robredo bilang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.

Nasa 44% ang nagsabing nasiyahan sila sa 19-araw na trabaho ni Robredo sa pakikipagbuno sa iligal na droga.

Sa numerong ito, 14% ang sumagot nang "lubos na nasisiyahan" habang 30% naman ang nagsabing "medyo nasisiyahan."

Bagama't wala pa ito sa kalahati ng populasyon, 26% lang ang nagsabing hindi sila nasiyahan sa kanyang ginawa habang 30% ang undecided.

Dahil dito, pinakamarami pa rin ang mga Pilipinong satisfied sa kanyang trabaho.

Itinalaga si Robredo sa posisyon, katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency, kahit na hindi siya sang-ayon sa madugong giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"[K]ung mayroon akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan," sabi ni Robredo nang tanggapin ang pwesto.

Ayon pa sa SWS, nasa 44% din ang nagsabing sinsero si Duterte pagtatalaga kay Robredo bilang co-chairperson ng ICAD habang 27% ang nagsabing hindi siya sinsero.

Una nang binanggit ng bise presidente na pinagtulong-tulungan siya upang hindi magtagumpay sa kanyang estilo ng pamamahala sa drug war. 

Sa kabila nito, sinabi ng Palasyo na hinangad nila ang tagumpay ni Robredo sa ICAD, taliwas sa sinasabi ng mga kritiko: "Ang tagumpay niya [ni Robredo] ay tagumpay ng Gabinete, ng administrasyon at lalo na ng mamamayang Pilipino," ani presidential spokesperson Salvador Panelo.

Sa kabila nito, hindi ibinigay ng administrasyon ang listahan ng mga high-value targets kay Robredo, bagay na kailangan daw para matimbog ang malalaking sindikato.

Sang-ayon naman ang 60% sa mga na-survey na dapat itong ibinigay kay Robredo, habang 15% lang ang hindi sumang-ayon.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang iulat ni Robredo na isang malaking kabiguan ang "war on drugs" ng administrasyon, na kakaonti lang daw ang nakumpiskang droga habang marami ang napapatay.

'Bumaba ang users, maraming abuso'

Bagama't sinabi ni Robredo na 1% lang ng kabuuang shabu spply ang nakuha ng PDEA sa loob ng tatlong taon, karamihan ng mga respondents ng SWS survey ang nagsabing bumaba ang mga gumagamit ng iligal na droga sa ilalim ni Duterte.

Nasa 73% ang nagsabing bumaba ito (28% bumaba nang malaki, 46% bumaba nang kaonti), kumpara sa 14% na nagsabing tumaas ito (6% nang malaki, 8% tumaas nang kaonti). 

Nasa 12% naman ang nagsabing pareho pa rin ang dami ng mga gumagamit ng droga.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin ang karamihan ng mga Pilipino na marami silang nakikitang paglabag sa karapatang pantao habang isinasagawa ang kampanya kontra droga.

Lumalabas na 76% ang naniniwalang maraming nagaganap na human rights abuses kumpara sa 24% na nagsasabing kakaonti lang.

Isinagawa ang survey sa 1,200 katao mula ika-13 hanggang ika-16 ng Disyembre, 2019 sa buong bansa. Nilahukan ito ng 300 mula sa Kamaynilaan, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.

Ipinaliwanag ng SWS na hindi ito kinomisyon ninuman at inilabas bilang serbisyo publiko.

ICAD

LENI ROBREDO

WAR ON DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with