DOH: Prutas, gulay na tinamaan ng Taal ashfall 'ligtas kainin'
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health na ligtas kainin ang mga prutas at gulay na natabunan ng abo mula sa mga nangyayaring pagsabog ng Bulkang Taal.
Ito ang ibinahagi ni Health Undersecretary Eric Domingo sa media, Miyerkules sa Palasyo.
"‘Yung gulay tsaka prutas na nalagyan ng abo basta hugasan lang nang mahusay 'yun at linisin, puwede po kainin 'yun," paliwanag ni Domingo sa isang press briefing.
Sinabi 'yan ni Domingo matapos maitala ng Department of Agriculture ang P578 milyong pinsala sa agrikultura na idinulot ng pag-aalboroto ng bulkan mula sa Batangas.
Kasama sa 2,772 ektaryang naapektuhan ay tinatamnan ng palay, kape, cacaoo, saging at iba pang high-value crops.
Kaiba raw sa mga hayop, hindi raw nakalulunok ng "toxins" ang mga halaman mula sa volcanic ash ng Taal.
Nauna nang nagbabala ang DOH patungkol sa pagbili at pagkain ng mga isdang nakukuha mula sa Lawa ng Taal at Batangas, bagay na maaari raw maging sanhi ng food poisoning.
Isa ang nasabing lawa sa mga pinagkukunan ng isda gaya ng tilapia at ng endangered na tawilis.
"Definitely meron po tayong mga advisory na lahat ng nanggagaling diyan sa area ng Taal at Batangas, dapat po talaga, wala nang bibili," sabi ni DOH Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana kahapon.
"Hindi po natin maaasahan ‘yung safety ng ating mga mamamayan."
Sa kabila nito, naninindigan ang ilang taga-Tanauan, Batangas na ligtas mula sa lason ang isdang nahuhuli mula sa lawa.
Para sa mga residente gaya ni "Rebecca," sanay suriin muna ang tubig ng Taal bago sabihing tinamaan na ito ng sulfur.
"'Yun pong mga isda po namin ay fresh... ligtas naman po siyang kainin," sabi niya sa News5 patungkol sa tilapia sa lugar.
"Sapul po kahapon, hanggang ngayon ho, isda lang po nang isda ang inuulam namin... Ihaw lang po nang ihaw kasi wala naman po kaming mabibilhan na mga tindahan."
- Latest