Taal Volcano sumabog!
MANILA, Philippines — Inilikas ang libu-libong residente sa mga bayang malapit sa Taal Volcano matapos itaas sa Alert Level 4 (hazardous eruption imminent) ang status ng bulkan kasunod ng naitalang pagsabog nito kahapon.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction Spokesman Mark Timbal na isinagawa ng mga bayan ng Balete, San Nicolas, Talisay, Laurel at Agoncillo sa Batangas ang precautionary evacuation makaraang magbuga ng napakataas na mga abo na umaabot ng hanggang 100 metro ang phreatic explosion ng bulkan.
Nakaramdam din kahapon ng sunud-sunod na mga pagyanig sa palibot ng Bulkang Taal.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), posibleng magkaroon ng pag-ulan ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami dahil maaapektuhan ang tubig sa lawa kapag patuloy ang aktibidad ng Taal.
Sinabi ng Phivolcs na, mula ala-1:00 ng hapon ng Linggo, ang bulkan ay nagpakita ng “increased steaming activity sa limang lugar sa loob ng crater.
Nangangamba naman ang Phivolcs kapag nagpatuloy ang pag-aalburoto ng bulkan ay posibleng tuluyan nang sumabog ito sa loob ng mga susunod na linggo.
Pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na strictly off limits ang main crater ng bulkan dahil sa biglaang steam explosions at posibleng paglalabas nito ng high concentrations ng lethal volcanic gases.
Ang buong volcano island ay isang “permanent danger zone” (PDZ) at hindi inirerekomenda ang pagtira rito nang permanente.
Samantala, nagdeklara na walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, pribado at pampubliko sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite at Rizal, gayundin sa Metro Manila matapos umabot na rito ang pag-ulan ng abo.
Pinangangambahan namang umabot din sa Central Luzon ang abo.
Ilang flights din sa NAIA ang pansamantalang sinuspinde dahil sa ashfall. -Dagdag ulat ni Cristina Timbang
- Latest