Duterte hindi magpapa-extend ng termino
MANILA, Philippines — Pinawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga hinala na nais niyang palawigin ang kanyang termino sa pagsasabing pagod na siya sa marami nang dekadang pagtatrabaho niya sa gobyerno.
“Ako maligaya na. Maginhawa na ako. Pagbaba ko sa puwesto, magreretiro na ako. Hindi ako naniniwala sa extension-extension,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Pigcawayan, Cotabato kamakalawa kung saan pinangunahan niya ang ceremonial distribution ng agricultural assistance sa mga magsasaka sa Region 12.
Nasa huling dalawang taon na ngayon ng panunungkulan sa Malakanyang si Duterte.
Alam din ni Duterte ang sinasabi ng mga mamamayan na mamamatay na umano siya dahil sa hinala na may sakit siya sa kidney pero hindi lamang aniya siya ang mamamatay kung hindi lahat ng tao.
Inamin din niya na alam din niya ang ginagawang pagpansin ng mga mamamayan sa kanyang kulay.
Wala rin aniyang problema kung mamatay siya pero tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.
“Sabi nila ‘yung mga tao raw may sakit sa kidney, umiitim daw. ‘Ah si Duterte, mamamatay na ‘yan.’ Talagang mamamatay ako. Walang problema ‘yan. Ang tao, mamamatay talaga. Kailan? It’s only God,” sabi ni Duterte.
Sinabi rin ng Pangulo na wala namang taong makakaligtas sa kamatayan.
“Kung sabihin mong mamatay ako, talagang mamatay ako. Pati ikaw p***** i** mong nagsasalita, mamatay ka rin. Walang lulusot sa atin dito na buhay,” sabi ni Duterte.
- Latest