Pilipinas ligtas pa sa misteryosong virus sa China
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Health (DOH) na nananatili pa ring ligtas ang Pilipinas mula sa misteryosong virus na kumakalat sa bansang China.
Sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nade-detect na carrier ng nasabing virus at sakaling may matukoy sa isinasagawang monitoring sa mga international airports sa bansa ay agad namang tutugunan ito.
May kakayahan aniya, ang DOH na ma-detect, ma-identify, ma-diagnose at mabigyan ng kaukulang lunas ang naturang karamdaman.
Ini-aplay aniya ang protocol na dati nang ipinatupad noong pumutok din ang pagkakaroon ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) outbreak mahigit 10-taon na ang nakalilipas.
Ani Domingo, ang mga suspected cases na maaaring matukoy sa Metro Manila ay kaagad na dadalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) o San Lazaro Hospital upang doon gamutin.
Nauna rito, may 59 indibidwal na ang naka-confine sa Wuhan City sa Central China matapos na makitaan ng sintomas ng sakit na kahalintulad ng sa trangkaso.
Nitong Sabado, isang 61-anyos na lalaki na mula sa naturang lugar ang iniulat na binawian ng buhay dahil sa pneumonia, na dulot umano ng hindi pa matukoy na virus habang pitong iba pa ang sinasabing nasa kritikal na sitwasyon.
Paglilinaw naman ni Domingo, walang dapat na ikaalarma ang mga Pinoy dahil sa naturang karamdaman dahil isolated lamang ito sa Wuhan.
- Latest