Mandatory repatriation sa Iran, Lebanon ‘di na ipatutupad - DOLE
MANILA, Philippines – Hindi na magpapatupad ng mandatory repatriation sa mga Filipino sa Iran at Lebanon ang pamahalaan ng Pilipinas.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang kanilang desisyon ay kasunod ng kanilang natanggap na impormasyon na ibinaba na sa level 2 ang alerto sa Lebanon habang wala nang alert level sa Iran, bagama’t hindi pa aniya ito opisyal.
Sa kabila nito, sinabi ni Bello na pansamantala pa ring suspendido ang pagpoproseso ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa deployment application ng mga manggawa sa Iran at Lebanon.
Samantala, sinabi naman ni OFW Rights Activist at dating Labor Undersecretary Susan “Toots” Ople na dapat gamitin ng pamahalaan ang pagkakataon para mas paigtingin pa ang mga contingency plans sa mga lugar sa Middle East na nakararanas ng kaguluhan tulad ng Iraq.
Dagdag ni Ople, kinakailangan na rin ng crisis committee ng Palasyo, Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) na bumuo ng isang network ng mga personalidad o grupo na maaaring lapitan ng Embahada ng Pilipinas sakaling tuluyang sumiklab ang krisis.
Naniniwala naman si Ople na hindi kinakailangan pang ituloy ng militar ang kanilang plano na ipadala ang pinakamalaking eroplano at barko ng Pilipinas para tumulong sa repatriation ng mga OFW sa Middle East.
Aniya, hindi ito magiging mabisa dahil nananatili pa ring gumagana ang paliparan ng Iraq at posible rin itong mapagkamalan bilang military operation.
- Latest