Mga Pinoy sa Libya pinalilikas
MANILA, Philippines — Hinikayat ng Philippine Embassy ang mga Filipino sa Tripoli, Libya na lumikas sa ligtas na lugar upang makaiwas sa labanan at gagawing pananakop ng puwersa ni Khalifa Haftar sa capital.
Ayon sa embahada, naligtas nila ang walong Filipino nurses noong nakaraang Huwebes mula sa clinic na malapit sa nangyayaring labanan.
Sinabihan na rin ang mga Pinoy na mag-evacuate para hindi maipit sa crossfire.
Tiniyak ng embahada na tutulong sa pag-relocate at pagbibigay ng pansamantalang tirahan sa mga Pinoy. Magbibigay din ng tulong ang gobyerno para maibalik sila sa Pilipinas.
Bukod sa mga nurses, nasa 20 Filipino na ang nailikas mula sa Salahuddin District na naninirahan sa kani-kanilang mga kaibigan at kamag-anak.
Umabot naman sa 149 ang napabalik na sa Pilipinas noong nakaraang taon, ayon sa embahada.
Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na karamihan sa mga OFWs sa Libya ay mga nurses o kaya ay mga nagta-trabaho sa mga oil fields.
Ayon naman sa DFA Bulletin na ipinalabas noong nakaraang taon, umaabot sa 1,000 ang mga Filipino sa Libya.
- Latest