Petisyon kontra-provincial bus ban sa EDSA ibinasura ng Korte Suprema
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Kataas-Taasang Hukuman ang sari-saring petisyon na humahamon sa regulasyon ng Metro Manila Development Authority na ipagbawal ang mga bus patungong probinsya sa EDSA sa dahilang nilabag nito ang "hierarchy of courts."
Sa isang anunsyo ng resolusyong inlilabas ng Biyernes, dinismiss ng Korte Suprema ang tatlong petisyong inihain noong 2019 na humihiling na ideklarang "null and void" ang MMDA Regulation 19-002.
Inuutos ng direktiba na pagbawalan o ibasura ang mga business permits ng public utility bus termnals at operators sa pinaka-busy na kalsada sa Kamaynilaan.
Ang tatlong petition for certiorary ay inihain ng:
- AKO Bicol party-list, sa katauan nina Aderma Angelie Alcazar at noo'y kinatawan nila sa Kamara na sina Ronald Ang at Alfredo Garbin Jr.
- Albay Rep. Joey Salceda
- Makabayan Bloc
Idinahilan ng mga petitioners na inaprubahan ng Metro Manila Council ang policy proposal ng MMDA nang walang konsultasyon at pagdinig sa publiko.
Sinabi rin ng AKO Bicol na ibinase ang regulasyon sa pamamagitan lamang ng isang "verbal directive."
Sa bahagi naman ng progresibong sektor, sinabi naman ng Makabayan na kalabisan ang polisiya ng MMDA dahil wala aniya sa kapangyarihan nila ang legislative at police power.
"Dahil walang police at legislative powers ang MMDA, nilalabag nila ang due process rights hindi lang ng apektadong mga bus ngunit pati ng mga mananakay," sabi ng petisyon ng mga militanteng mambabatas sa Inggles.
Giit naman ng Supreme Court, nangangailangan ng "paghaharap ng ebidensya patungkol sa prosesong pinagdaanan ng MMDA" kung kwekwestyonin ang pag-aapruba ng regulasyon.
Sinabi din ng korte na hindi lang high court ang may kapasidad na maglabas ng writ of certiorari, ngunit kahit ang mga Regional Trial Court at Court of Appeals.
Ilan pa sa binanatan ng mga petitioner ay ang inilalakong ideya na napaluwag ng bus ban ang EDSA, bagay na "factual issue" na humihingi ng estadistika at datos.
Noong ika-31 ng Hulyo, 2019, naglabas ng writ of preliminary injunction ang Quezon City Regional Trial Court Branch 223 upang ipatigil ang provincial bus ban. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest