Partial deployment ban sa Kuwait idineklara
MANILA, Philippines — Ipinahayag kahapon ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na magdedeklara siya ng partial deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay doon ng overseas Filipino worker na si Jeanelyn Villavende.
Ibig sabihin, batay sa paliwanag ng kalihim, tangi lang ipagbabawal ang pagpapadala ng bagong domestic helper na Pilipina sa Kuwait.
Hindi saklaw rito ang mga bumabalik doon na DH na Pilipina at mga first-time lang na nagtatrabaho sa naturang bansa.
“Partial lang muna. Hihintayin namin ang resulta ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Jeanelyn,” sabi ni Bello sa isang panayam.
Naunang napaulat na pinatay umano si Jeanelyn ng misis ng kanyang among Kuwaiti na kapwa kasalukuyang nakakulong at iniimbestigahan ng pulisya sa naturang bansa.
Sinabi ni Bello III na wala munang ipoprosesong mga bagong aplikante patungong Kuwait.
Sinabi rin ng kalihim na nakatakdang maglabas ang kagawaran ng opisyal na kautusan kaugnay dito.
Ani Bello, hindi nasunod ang usapang walang Filipino OFW ang magiging biktima ng anumang kalupitan ng kanilang employer.
Kanila din aniyang pag-aaralan ang pagpapatupad ng total deployment ban ng mga OFW sa naturang bansa.
Kaugnay nito, iginiit ni House of Representatives Committee on Labor and Employment Chairman Eric Pinera na dapat itigil na ang pagpapadala ng mga domestic helper sa Middle East dahil laging naabuso ang mga ito sa naturang rehiyon.
Kaya kung paulit ulit umano ang pang aabuso at pagpatay sa kanila ay mas mabuting itigil na ang deployment sa Middle East.
Dahil dito kaya sa muling pagbubukas ng sesyon ng kongreso ay maghahain siya ng resolusyon para imbestigahan ang pagpatay kay Villavende para makita rin kung ano ang magiging reaksyon ng Kuwaiti government dito.
Nais ding alamin ng tatlong ACT-CIS Congressman sa liderato ng Kongreso na kung dapat pa bang magpadala ng Domestic Helper (DH) sa bansang Kuwait.
Ayon kina Cong. Eric Yap, Jocelyn Tulfo at Nina Taduran, unang agenda nila ngayon 2020 ay silipin ang kalagayan ng mga Filipino worker matapos na isang Pinay na naman ang namatay sa kamay ng kanyang Kuwaiti employer.
Sinabi ng tatlong mambabatas, naka-strike two na ang Kuwait na ang una ay noong 2018 nang pinatigil din ng Pangulo ang deployment sa nasabing bansa matapos matagpuan ang bangkay ng isang Pinay sa loob ng isang freezer.
Makalipas lang ng tatlong buwan, isa pang Pinay ang pinatay ng kanyang amo at nakitaan pa na may pinasak na bagay sa puerta nito.
- Latest