Mamantika, maaalat at matatamis iwasan sa media noche - DOH
MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Department of Health sa publiko na iwasang kumain ng mga mamantika, mataba, maaalat at matatamis na pagkain ngayong media noche.
Ayon kina Health Secretary Francisco Duque III at Health Undersecretary Eric Domingo, ang mga ganitong uri ng pagkain ay maaaring magdulot ng karamdaman, o kaya’y magpalala sa sakit ng mga taong may taglay ng chronic illness.
Anya, sa mga ganitong okasyon ay madalas na hindi maiwasan na masobrahan sa pagkain.
Subalit ang pagkain ng labis na matatamis, matataba at maaalat ay magreresulta sa pagtaas ng blood sugar at cholesterol, partikular na sa mga taong may sakit na diabetes at hypertension.
Maaari ring magresulta ito sa mga cardiovascular conditions at heart attack.
Maaari pa rin namang kumain ng masasarap na pagkain ngunit dapat na ito’y ‘in moderation’ lamang.
Pinayuhan din ng dalawang health official ang mga mamamayan na kung hindi maiiwasang uminom ng alak ngayong holidays ay iwasan na lamang magmaneho upang makaiwas sa aksidente.
Sa datos ng DOH, ang mga non-communicable ailments gaya ng cardiovascular diseases at diabetes na maaaring makuha sa unhealthy diet at labis na pag-inom ng alak, ay kabilang sa top 10 na pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy.
- Latest