^

Bansa

Parusa ng US vs mga nagpakulong kay De Lima, 'pinakamagandang regalo' para sa senadora

James Relativo - Philstar.com
Parusa ng US vs mga nagpakulong kay De Lima, 'pinakamagandang regalo' para sa senadora
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang pirmahan ni US President Donald Trump ang kanilang 2020 budget, na may probisyong nagbabawal sa pagpasok sa Amerika ng mga responsable sa pagkakakulong ni De Lima.
Mula sa Facebook ni Sen. Leila de Lima

MANILA, Philippines — Tinawag na pinakamagandang regalo ngayong Pasko ni Sen. Leila de Lima ang panibagong "sanctions" na ipinataw ng Estados Unidos sa mga diumano'y lumalabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang pirmahan ni US President Donald Trump ang kanilang 2020 budget, na may probisyong nagbabawal sa pagpasok sa Amerika ng mga responsable sa pagkakakulong ni De Lima.

"Nag-uumapaw ang pagpapasalamat ko sa US Congress sa pinal at inaprubahang Appropriations Bill para sa Fiscal year 2020... ang probisyong magbabawal sa paglalakbay sa US ng mga responsable sa aking [political] persecution at pagkakakulong," sabi niya sa isang pahayag sa Inggles, Miyerkules.

Aniya, ang pagpapataw ng nasabing parusa ay pagkilala ng gobyerno ng Amerika na siya'y "biktima" ng panggigipit dahil sa pulitika.

Ilan sa mga itinuturo ni De Lima na may kinalaman sa kanyang pagkakaaresto sina Pangulong Rodrigo Duterte, presidential spokesperson Salvador Panelo, dating House Speaker Pantaleon Alvarez, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, atbp.

Una nang sinabi ni Panelo na hindi nababahala ang Palasyo sa pagkakapasa ng nasabing probisyon, lalo na't wala naman daw "credible information" na mali ang kanyang pagkakakulong.

Sa kabila nito, nanawagan naman ang Embahada ng Pilipinas sa Washington na respetuhin ng Amerika ang batas ng Pilipinas.

"Lahat ng bansa ay may karapatang... harangan ang mga indibidwal mula sa pagpasok sa kanilang bansa," sabi ng embahada.

"[Sa kabila nito], inaabisuhan namin ang United States na respetuhin ang aming mga batas at proseso sa parehong paraan na nirerespeto namin ang kanila."

Kasalukuyang nakakulong si De Lima dahil sa diumano'y pagkakasangkot sa pagkalat ng droga sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na itinatanggi ng senadora.

Maliban kay De Lima, pagbabawalan na ring tumuntong sa Amerika ang mga opisyal ng Turkey, Egypt at Saudi Arabia na may kinalaman sa pagkakakulong ni Mustafa Kassem.

"Panahon na lang ang magsasabi bago sumunod ang European Unin, Canada at iba pang bansa sa pagpapataw ng sanctions kay Duterte, kanyang mga opisyales at mga alipores. Lumalaban ang karapatang pantao! Paparating na ang pananagutan! Napalagandang Christmas blessing! Salamat, US! Salamat, Panginoon!" sabi ni De Lima.

Pinirmahan ang 2020 State and Foreign Operations Appropriations Act kasabay ng pagkakapasa ng US Senate Resolution 142, na nananawagan ng parusa laban sa kanyang mga "persecutors" at iba pang human rights violators, alinsunod sa Global Magnitsky Human Rights Accountability Act.

Isinusulong din ng nasabing resolusyon ang agarang pagbabasura sa mga kaso nina De Lima at Rappler chief executive officer na si Maria Ressa.

Maliban sa pagharang sa travel visas ng mga nasabing opisyal, fini-freeze at binabawi din ng Magnitsky Act ang kanilang US assets, ari-arian at bank accounts.

"Ituturo nito sa kanila na hindi lang domestic concern ang karapatang pantao, kundi universal interst na nakaaapekto sa seguridad ng lahat ng bansa, kahit saanman mangyari ang violation," kanyang panapos.

CHRISTMAS

DONALD TRUMP

HUMAN RIGHTS

LEILA DE LIMA

UNITED STATES

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with