'Karmahin sana': Acquittal ng ilang Ampatuan, kwinestyon ng abogado ng massacre victims
MANILA, Philippines — Ipinagtataka ngayon ng isa sa mga abogado ng mga naulila ng Maguindanao massacre ang pagpapawalang-sala korte sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan nitong Huwebes.
Matatandaang nahatulang "guilty" ang ilan sa mga principal accused, gaya nina Datu Andal Ampatuan Jr. at Datu Zaldy Ampaptuan para sa 57 counts ng murder noong 2009.
(BASAHIN: Kabuuang teksto ng hatol sa Maguindanao massacre)
Sa kabila nito, lusot sa kaso sina Datu Akmad "Tato" Ampatuan Sr., Datu Sajid Islam Ampatuan, Jonathan Ampatuan at Datu Jimmy Ampatuan.
Ayon kay Harry Roque, abogado ng 19 pamilya, napatunayan ng korte na dumalo si Sajid Islam sa pagplaplano ng masaker ngunit hindi lang nagsalita.
"Sa kultura nila, and tanging dahilan kung bakit hindi nagsalita si Sajid Islam Ampatuan ay dahil apo [lang] siya," wika ni Roque sa panayam ng ANC sa Inggles.
"At sa kulturang 'yon, hindi ka magsasalita kapag nag-uusap ang mga nakatatandang lalaki. May pagsang-ayon pa rin na walang pag-angal sa parte niya."
Sabi ni Roque, na dating tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, sana'y pumalag man lang siya kung matino siyang tao, o tumawag man lang ng pulis.
Binigyan si Sajid Islam Ampatuan ng pagkakataong makapaghain ng piyansa, at hindi rin sumipot sa korte kahapon: "Ang lakas ng apog nito. Mayabang eh. Sigurado akong kakarmahin din siya."
Hindi rin daw malinaw sa kanila kung bakit na-acquit si Tato Ampatuan, gayong pinagbawalan siyang makapag-piyansa.
Naulila ng 'ika-58 biktima'
Bagama't itinuturing na tagumpay ng marami ang hatol ng korte, hindi pa rin matanggap ng pamilya ni Reynaldo Momay, ang sinasabing ika-58 biktima ng masaker, ang desisyon.
Hindi kasi kinikilala ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 si Momay bilang isa sa mga napatay noong ika-23 ng Nobyembre, 2009 sa dahilang hindi nahanap ang kanyang bangkay.
"Habang binabasa 'yung hatol kahapon, I really felt bad. When I head the number 57, I felt just so numb. I didn't hear anything right after that. Sobrang sakit at sobrang hirap po sa akin," sabi ni Reynafe Momay-Castillo.
Si Reynafe ang anak na babae ni Reynaldo, na noo'y photojournalist para sa Midland Review.
Bagama't pustiso lang ang nahanap, na sinabi ng korteng hindi pa natitiyak kung kay Reynaldo, sinabi ni Castillo na maraming ebidensya na kasama sa mga nasawi ang kanyang ama.
"Kinausap ko 'yung isa sa mga abogado ko kahapon at umiyak siya kasama ko. Alam ko on their end, masayang masakit. Kasi hindi total 'yung panalo eh," sabi pa ni Castillo.
"Hindi ako ma[sa]-satisfy until I hear na 58 'yung biktima, 58 'yung pinatay nila."
Nasasaktan din daw siya sa komento ng ilang nagsasabi na pera lang ang kanyang habol.
Sang-ayon naman si Roque sa mga pahayag ni Castillo, ngunit okay lang daw ang inilabas na desisyon dahil makukukol pa rin naman daw sila ng "30 years w/o the benefit of a parole."
Sa kabila nito sinabi ni Castillo na hindi naman siya galit kay Judge Jocelyn Solis-Reyes, ang hukom na humawak sa kaso.
"Judge, hindi po masama ang loob ko sa inyo. I know you're a great judge. Sa 10 taon hindi niyo po iniwan yung kaso kahit mahirap sa inyo. Maraming salamat po sa bagay na iyon," sabi pa niya.
"Sana po tingnan niyo po ulit yung mga ipinrisenta naming evidences. Hindi ko po mai-produce yung katawan ng tatay ko for sure. Pero deep in my heart, I know na biktima po 'yung tatay ko." — James Relativo
- Latest