‘Ingat sa online shopping’- DTI
MANILA, Philippines — Kahit na malaking bawas sa abala at lalong pagbubuhol ng trapiko, pinag-iingat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko sa online shopping dahil sa tumataas na reklamo na kanilang natatanggap laban sa mga abusadong seller sa iba’t ibang plataporma.
Ito ay makaraan ang mga “Sale” na ginawa ng mga online shopping platforms nitong nakaraang Disyembre 12 na tinangkilik ng napakaraming Pilipino na nagnanais makabili ng mga pamasko at panregalo sa murang halaga.
Ayon sa isang kilalang online shopping app, tumabo agad sa P1 milyon ang kanilang kinita sa loob ng isang oras nitong nakaraang “Sale” nila noong Nobyembre 11. Apat na beses na dumoble agad ang itinaas na benta nila sa loob ng isang oras kumpara noong Disyembre 12, 2018.
Sa kabila nito, dagsa rin ang reklamo tulad ng walang kalidad na produktong ipinapadala, mga sira o kulang-kulang, mali ang uri ng produkto, at ang iba ay overpricing sa delivery fee.
Ayon sa DTI, higit 1,200 na ang lehitimong reklamo na ang natatanggap nila laban sa mga online shopping sites at 46 dito ay sa “ Sale”.
Patuloy naman umano nilang iniimbestigahan ang bawat reklamo at kung agrabyado ang konsyumer ay pinapatawan ng parusa ang seller upang maitama ang kanilang pagkakamali.
Payo ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, suriing mabuti ang reputasyon ng online shopping platform na dapat ay may ‘consumer egress mechanism’ para makapagreklamo.
Marami naman umanong online shopping sites ang tinutugunan talaga ang reklamo ng kanilag mga kustomer bago pa makarating sa DTI. Dapat rin na tignang mabuti ng isang buyer ang ‘reviews o feedback’ ng ibang kustomer, tignan kung marami ang bumibili at maari ring makipag-ugnayan ng diretso sa seller. Dapat rin umanong huwag makipatransaksyon sa mga ‘internet shops’ lalo’t ipapasok ang mga impormasyon ng credit card.
- Latest