US Embassy wala pang pasabi sa pagbawi ng visa ni Bato
MANILA, Philippines — Wala pang natatanggap na opisyal na pasabi o mensahe si Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa embahada ng United States kung totoong kinansela na ang kanyang US visa.
Iniulat kahapon ng news blogsite na Politiko na hindi na umano maaring makapasok sa teritoryo ng Amerika ang senador matapos bawiin ang kanyang US visa.
Ang pagbawi umano sa US visa ni Dela Rosa ay may kinalaman sa mga human rights violations sa nangyayari sa bansa.
Bago maging senador, naging hepe ng Philippine National Police si Dela Rosa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa ulat, ang US visa umano ni Dela Rosa ay kinansela noong Mayo sa ilalim ng Asia Reassurance Initiative Act (ARIA).
Sa ilalim ng nasabing batas, nagbibigay ng tulong ang Amerika sa mga kaalyadong bansa sa Indo-Pacific region para isulong ang demokrasya, karapatang pantalo, at rule of law pero nagpapatupad din ito ng parusa sa mga indibiduwal o grupo na lumalabag sa karapatang pantao.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Senate President Vicente Sotto III si Dela Rosa kaugnay sa napaulat na pagkansela ng kanyang visa.
Sinabi ni Sotto na hindi maganda kung totoo ang ulat at wala namang kinalaman si Dela Rosa sa mga extra judicial killings (EJKs).
“Hindi maganda kung totoo ‘yon kasi hindi naman nila alam kung totoo yong EJK eh. Ano naman ang kinalaman ni Bato sa EJK? Eh, pag-aralan muna nila…Hindi naman totoo ‘yon, eh. Alamin muna nila (kung) ilan,” sabi ni Sotto.
Sinabi pa ni Sotto na ang mga drug lords at mga drug pushers ang nagpapatayan.
“Iyong nga drug lords, drug pushers, sila sila nagpapatayan, lalo na ‘yong mga street pushers, tinitira nila dahil patay siguro sila habang nagsusurender sila,” sabi ni Sotto.
Idinagdag din ni Sotto na “kuwentong pochero” lamang ang sinasabing 20,000 na napatay sa EJKs.
“Hindi nila alam ‘yong statistics, naniniwala agad sila sa kwentong pochero. 20,000 ang napatay sa EJKs, akin na mga pangalan, sige, susuportahan ko kayo 100 percent, kapag napakita mo sa akin ‘yon,” dagdag ni Sotto.
- Latest