Team Philippines nanaig: SEAG record nahigitan pa!
MANILA, Philippines — Nanaig ang galing ng mga atletang Pinoy nang makuha ang korona sa patapos na 30th Southeast Asian Games.
Dahil na rin sa pagsisikap ng Duterte administration, Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pangunguna ni House Speaker Alan Cayetano at iba pang sports officials, ay natupad ang pangarap ng sambayanang Pilipino na itanghal bilang overall champion ang koponan ng Pilipinas sa SEAG.
Lumagpas na sa ‘winningest record’ ng bansa sa kasaysayan ng SEAG noong 2005 na idinaos din sa Pilipinas, ang nahakot na ginto at medalya ng mga atletang Pinoy ngayong 30th SEAG.
Pangalawa sa medal tally ang Indonesia, pangatlo ang Vietnam at pang-apat ang Thailand. Nakakuha na rin ng bronze medal ang Timor Leste sa larangan ng boxing na labis na nagpasalamat sa suportang ipinakita ng mga Pinoy.
Inaasahan pa ang pagsungkit ng mga atletang Pinoy ng karagdagang medalyang ginto dahil marami pang sports ang susuungin ng ating mga manlalaro.
Ang 30th SEA Games ay hindi sana gaganapin sa Pilipinas kung hindi dahil sa pagsisikap ni Cayetano at Senador Bong Go na kumbinsihin si Duterte upang ganapin sa bansa ang palaro.
Tatanggap ng P600,000 na premyo ang bawat Pinoy gold medalist sa 30th SEAG bukod pa sa kabuuang P10 milyon na ipinangako ng kamara para sa mga atletang Pinoy na mananalo ng gintong medalya.
Nabuo rin sa naturang paligsahan ang pagkakaibigan sa panig ng mga atleta.
Muling naipakita ang pagiging palakaibigan at hospitality ng mga Pinoy na hinangaan ng mga dayuhang atleta.
- Latest