Batas kontra fake news, isusulong sa Kamara
MANILA, Philippines — Bagama’t isang imbestigasyon na ang ipapatawag ng Kongreso hinggil sa pagkalat ng fake news tungkol sa SEA Games ay plano pa rin ng isang partylist congressman na magsulong ng panukalang batas laban dito.
Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, ang fake news ay dapat ituring na kasalanan na marapat lamang na patawan ng parusa ang may kagagawan ng walang katotohanang balita.
“Since hindi totoo at ikinalat pa ang tsismis, dapat kasuhan ang nag-umpisa o nagpakalat nito tulad sa isang rumor mongering,” ani Yap.
Sinabi ni Cong. Yap, ang rumor mongering o tsismis ay isang kaso na may katapat na parusang pagkakabilanggo.
“Isang batas ang aking ihahain para parusahan ang sinumang magpapakalat ng fake news o maling balita,” pahayag ni Yap.
Matatandaan na bago nag-umpisa ang 30th SEA Games ay nagkalat ang fake news hinggil sa palpak na preparasyon umano ng gobyerno sa naturang palaro, pero makalipas ang ilang araw ay lumabas ang katotohanan na pawang gawa-gawa lamang ang maling balita tungkol sa mga umano’y aberya.
“Hindi lang kasi isang indibidwal ang sinisira ng mga pekeng balita kundi ang gobyerno at ang kabuuan ng bansa sa mata ng international community,” sabi pa ni Cong. Yap.
- Latest