De Lima diniin ng ex-NBI exec
sa drug case
MANILA, Philippines — Milyun-milyong piso ang tinanggap umano bilang kabayaran ni Senador Leila de Lima noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice.
Ito ang ibinunyag ni dating National Bureau of Investigation Deputy Director Atty. Reynaldo Esmeralda nang maupo ito bilang testigo sa isinagawang pagdinig sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 kamakalawa.
Ibinuking ni Esmeralda na tumatanggap umano ng milyun-milyong halaga ng piso si de Lima kung saan ipinapa-deliber pa umano ito ng personal sa kanya ng mga convicted drug lords na nakakulong sa New Bilibid Prison.
Dagdag pa ni Esmeralda, isang Jun Ablen na opisyal din ng NBI ang nagdadala umano ng malaking halaga ng pera kay de Lima dahil ito umano ang itinuturing na “paborito” na opisyal.
Nauna nang nagpatotoo si Ablen laban kay de Lima sa parehong kaso ng droga.
Nagbigay din si Esmeralda ng mga kopya sa korte ng mga e-mail na nagpapatunay na natanggap na ni de Lima ang mga drug monies.
Ayon pa kay Esmeralda, personal din umano niyang naberipika ang mga nasabing impormasyon nang puntahan nito ang bahay ni de Lima sa Parañaque upang mapatunayan ang address nito at kung nanatili itong nakatira sa address na iyon. Tinanggap naman ng panel ng tagapagtanggol ang “authenticity” ng nasabing e-mail.
Pinatunayan din ni Esmeralda kung gaano kalapit si Ronnie Dayan kay de Lima dahil nakakapaglabas-masok umano ito sa opisina ng dating kalihim kung saan nakakapag-rekomenda pa ito ng mga itatalagang matataas na posisyon sa DOJ, Bureau of Corrections at NBI.
Pinatotohanan din ni Esmeralda na nakatatanggap ang mga ito ng milyun-milyong halaga dahil ang codename na ginagamit ni Dayan ay “Kolokoy” habang ang tinutukoy na “Lola” ay si de Lima.
- Latest