‘Wag pasindak sa ‘name-droppers’
PNP sa traffic enforcers
MANILA, Philippines — Binilinan ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang mga traffic enforcers na huwag magpasindak sa mga “name-droppers” o mga motorista na gumagamit ng calling cards ng mga matataas na opisyal ng gobyerno para makalusot sa paglabag sa trapiko.
Ito ang mahigpit na direktiba ni Gamboa bunsod na rin ng matinding trapiko ngayong ‘holiday season’.
Sinabi ni Gamboa na naobserbahan niya na ilang mga pulis ang madaling masindak sa mga personalidad na lumalabag sa trapiko kapag nagpapakita umano ng mga calling cards ng mga kilalang opisyal ng gobyerno.
Binigyang din ni Gamboa na dapat walang ‘sacred cow’ o sinasanto ang kanilang kampanya at ipatupad ang batas maging mahirap man o mayaman o kung sino man ang tamaan.
Nagbabala rin si Gamboa na mahaharap sa kasong administratibo ang mga pulis na mangungunsinti o magpapalusot sa mga nagpapakilalang kaibigan ng mga opisyal ng gobyerno na ang ipinakitang pruweba ay mga calling cards.
- Latest