Go nagpasalamat na pirmado na ang Malasakit Center Act
MANILA, Philippines — Nagpasalamat kahapon si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go dahil pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinulong niyang panukalang batas na tatawaging Malasakit Center Act of 2019.
Layunin ng batas na ma-institutionalized ang pagtatayo ng mga Malasakit Centers sa bansa na pinupuntahan ng mga mahihirap na humihingi ng tulong sa gobyerno.
Nilinaw ni Go na hindi siya namumulitika at nais lamang niyang ibalik sa taumbayan ang serbisyong dapat nilang makuha.
Sinabi ni Go na makakapunta na sa one-stop shop ang mga nais humingi ng ayuda sa pamahalaan.
Ilalagay aniya sa iisang lugar ang mga kinatawan ng apat na ahensiya ng gobyerno na kalimitang nilalapitan ng mga humihingi ng tulong.
“Noon, Lunes pupunta sa city hall. Martes, pipila ka sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Miyerkules, Department of Health (DOH). Huwebes, Department of Social Welfare and Development (DSWD). Biyernes, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Ubos na ang pamasahe nila, ubos pa ang panahon nila sa kapipila,” sabi ni Go.
Marami na rin aniyang mga opisyal ng mga local government units ang nais na maglagay ng Malasakit Centers sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Idinagdag ni Go na uunahin sa lalagyan ng mga Malasakit Centers ang 73 ospital na pinapatakbo ng DOH.
- Latest