Banta ng bagyong 'Kammuri' nagbabadya sa SEA Games opening
MANILA, Philippines — Patuloy ang paglapit sa bansa ng Tropical Storm Kammuri ilang araw bago magsimula ang ika-30 Southeast Asian Games sa Sabado.
"[S]i bagyong 'Kammuri' ay patuloy na kikilos pa-westward, at by Saturday ng umaga itong gitna ng bagyo ay malapit na po sa boundary line ng Philippine area of responsibility," sabi ni Aldczar Aurelio, weather specialist ng PAGASA.
Kaninang madaling araw, natagpuan ito 1,950 kilometro silangan ng Visayas sa labas ng PAR.
Nagtataglay ito ng hanging may lakas na 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at may bugsong 105 kilometro kada oras.
Matulin naman ang pagkilos nito sa bilis na 35 kilometro kada oras pakanluran.
"Kapag ito'y nasa loob na ng ating Philippine area of responsibility, tatawagin natin itong 'Tisoy,'" dagdag ni Aurelio.
Samantala, naaapektuhan pa rin ng Hanging Amihan sa silangang bahagi ng Luzon habang nasasasapul naman ng Intertropical Convergence Zone ang Visayas at Palawan.
Dahil sa ITCZ, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang:
- Visayas
- Northern Mindanao
- Caraga
- Palawan
Dahil naman sa Amihan, makararanas ng maulap na papawirin na may mga mahihinang pag-ulan sa:
- Cagayan Valley
- Cordillera
- Bicol
- Aurora
- Quezon
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa.
- Latest