'War on vape nation?': PNP aarestuhin ang gagamit ng e-cigarettes sa labas
MANILA, Philippines (Updated 2:04 p.m.) — Kinumpirma ng Philippine National Police na tatalima sila sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang sinumang gagamit ng electronic cigarettes, o "vape," sa pampublikong lugar.
"[I]niutusan na ni PNP [officer-in-charge] Police Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, epektibo ngayong araw, ang lahat ng police units na ipatupad ang ban sa paggamit ng vape," sabi ng PNP sa ulat ng GMA News sa Inggles.
"[S]isiguraduhin na lahat ng lalabag ay huhulihin at itatala sa mga police blotter."
Sa panayam ng PSN, inilinaw naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na tanging ang mga gagamit nito "in public" ang aarestuhin ng mga pulis.
Ayon pa kay Banac, kung may local ordinance patungkol sa vape ang isang lugar, mapapatawan pa ng karagdagang multa at parusa ang lalabag.
Nang tanungin kung anong batas ang basehan ng nationwide arrest order, ito ang sinabi ng tagapagsalita ng PNP: "Partly [Executive Order 26], at isa pang EO na ilalabas para sa pagba-ban ng vape."
"Wala namang kulong, ipapa-blotter lang at kukumpiskahin ang items."
Maaari naman daw mapatawan ng disciplinary sanctions ang mga PNP personnel na lalabag mismo sa direktiba.
Siniguro naman ng PNP na maayos na didispatsahin ang mga makukumpiskang gamit.
"[Makikipag-ugnayan] din sa mga lokal na pamahalaan, ahensya at vape store owners para palakasin ang pagpapatupad ng ban," dagdag pa ng pulisiya.
Martes ng gabi ng banatan ni Duterte ang pagve-vape sa Palasyo.
"Delikado ang pagve-vape, bina-ban ko na. Kung naninigarilyo kayo nun ngayon, aarestuhin kayo," sabi niya sa isang press conference.
"Ipag-uutos ko ang law enactment para hulihin ang sinuman na gagamit ng vape sa pampublikong lugar."
Matatandaang nilagdaan ni Duterte ang Executive Order 26 noong Mayo 2017, na nagbabawal din sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Ika-15 ng Nobyembre nang kumpirmahin ng Department of Health na naitala na ang pinakaunang "electronic-cigarette or vaping product use associated lung injury" o EVALI sa bansa, na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae mula Central Visayas.
Idineklara na rin ng PNP ang lahat ng kampo at tanggapan ng PNP bilang "no vape zone."
Ipinagbabawal na rin sa Lungsod ng Pasay ang paggamit nito sa labas, habang isinusulong naman ngayon ng ilang mambabatas ang pagba-ban at pagre-"recall" sa vape products.
Matatandaang sinertipikahan na bilang "urgent" ni Duterte ang panukalang magpapataw ng panibagong excise tax sa mga vape, sigarilyo at alak.
- Latest