Dayuhang rights advocate sasampalin daw ni Duterte sa tapat ni Robredo
MANILA, Philippines — Sa kanyang talumpati Martes ng gabi, binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang international human rights advocate na sasampalin sa harapan ni Bise Presidente Leni Robredo kung pipiliting pumasok ng Pilipinas para tumulong kontra sa madugong "war on drugs."
Tinutukoy ni Duterte si Phelim Kine, direktor ng research and investigations ng Physicians for Human Rights, na nagmungkahi kay Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs co-chair Robredo na ipakulong si Duterte.
"P******** Leni, sa harap mo sampalin ko 'yan," sabi niya sa isang press briefing sa Palasyo.
"I dare you, kung talagang dedicated ka, papasukin mo dito ang p********** 'yan. Pupuntahan kita sa opisina mo, sampalin ko 'yan sa harap mo."
Noong ika-11 ng Nobyembre, matatandaang sinabi ni Kine sa isang tweet na handa siyang pumunta ng Pilipinas para tumulong kay Robredo.
"Dear VP @lenirobredo - my bags are packed and I'm ready to come to the #Philippines to help advise how to end this murderous 'drug war,'" sabi niya.
Dear VP @lenirobredo - my bags are packed and I'm ready to come to the #Philippines to help advise how to end this murderous "drug war." Meanwhile here is my Recommendation No. 1: Arrest #Duterte and his henchmen for inciting & instigating mass murder https://t.co/adVEP2lTsq https://t.co/FpxxCT7jIn
— Phelim Kine ?? (@PhelimKine) November 11, 2019
Sabi ni Digong, nainis siya sa mga pahayag ng dating deputy director ng Asia division ng Human Rights Watch, lalo na't hindi nabigyan ng pagkakataong pakinggan ang kanyang panig.
Una na ring sinabi kina Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at presidential spokesperson Salvador Panelo na ayaw nilang papasukin ng Pilipinas si Kine.
"Huwag kayong mag-alala; hindi siya makapapasok ng bansa. Kailangan nating iligtas si Leni mula sa katangahan ng mga taong gustong gumamit sa kanya," ani Locsin sa Inggles.
Hindi pa naman makapagsalita si Justice Secretary Menardo Guevarra kung dapat bang mailagay si Kine sa blacklist ng Bureau of Immigration.
"Kailangan nating pag-aralan ito nang maigi. Hindi tayo magiging maingat kung magsasalita na tayo maliban na lang kung alam na natin ang kadahilanan at parameters ng pagbisita ni Kine," sabi ni Guevarra.
Kahapon, inirehistro na rin ng Palasyo ang kanilang disgusto sa pakikipagpulong ni Robredo sa mga kinatawan ng United Nations para kumuha ng aral sa pinakamahuhusay na paraan ng pagsugpo ng droga, dahilan para pagkaitan siya ng posisyon sa Gabinete.
- Latest