^

Bansa

Welga ng Regent workers 'hindi lehitimo o payapa,' sabi ng kumpanya

James Relativo - Philstar.com
Welga ng Regent workers 'hindi lehitimo o payapa,' sabi ng kumpanya
Taliwas sa sinabi ng RFC, sinabi naman ng Defend Job Philippines na hindi basta nasa minorya ang mga welgista dahil nagkakaisa raw ang Regent Food Workers Union at UMRFC.
Defend Job Philippines

MANILA, Philippines — Pinalagan ng Regent Foods Corporation ang pagtulong ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga nagwewelga nilang manggagawa na inaresto noong ika-9 ng Nobyembre.

Ika-17 ng Nobyembre kasi nang magsalita si Sotto laban sa kumpanya ng pagkain matapos bigong iatras ang kaso laban sa 23 katao, na nakikipaglaban lang daw para sa mga karapatan sa trabaho. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Regent na nirerespeto nila ang pananaw ni Sotto at karapatan ng mga manggagawang mag-strike, ngunit nanindigan na "iligal" ito at naging "marahas."

"[H]anggang noong i-disperse ito, nilabag ang karapatan ng RFC, pati na rin ng ibang tao," sabi ng kumpanya sa Inggles.

Inirereklamo ang RFC dahil sa mababang pasahod, 'di pagsunod sa collective bargaining agreement at kontraktwalisasyon kahit na 20 taon na ang ilan nilang manggagawa.

'Kriminal na aktibidad'

Pero aniya, minoryang bahagi lang daw ng workforce ng RFC ang nagwelga, ang Unyon ng Manggagawa sa RFC-Kilusang Mayo Uno: "Sa simula't simula ay hindi ito lehitimo dahil merong umiiral na may exclusive bargaining agent sa kumpanya."

Giit pa nila, gumawa raw ng mga "kriminal na aktibidad" ang mga welgista habang isinasagawa ang piket, nang ikandado ang RFC, dahilan para 'di raw makapasok ang 400 nilang empleyado.

Dahil dito, humingi raw ang kumpanya ng tulong sa gobyerno, kabilang ang tanggapan ni Mayor Vico.

"[H]indi lang sila pumalag sa security enforcers, sinaktan din nila ang mga binanggit gamit ang matatalas na gamit," patuloy ng RFC.

"Dahil dito, ilang security agents ang sugatan; isa sa kanila ang kritikal." 

Hindi rin daw ang RFC ang complainant at naghain ng kaso.

Dagdag pa nila, nais lang nilang protektahan ang karapatan ng ibang manggagawa na hindi sumama sa strikers: "Wala tuloy magawa ang RFC kundi panoorin ang non-strikers na natatakot para sa hinaharap nila."

Umabot din daw ng 24 nang hindi ginagalaw ng RFC ang mga welgista, kahit na binarikadahan na ang kanilang "ingress" at "egress."

'Regent sinungaling'

Taliwas sa sinabi ng RFC, sinabi naman ng Defend Job Philippines na hindi basta nasa minorya ang mga welgista dahil nagkakaisa raw ang Regent Food Workers Union at UMRFC.

Napatunayan daw na nagsisinungaling ang korporasyon na iligal, illegitimate at bayolente ang ginawang strike.

Aniya, matagal na raw nagrereklamo ang mga manggagawa tungkol sa lockout, union busting, kontraktwalisasyon at unpaid benefits ng Regent.

"Hindi maipagtatanggol ng defensive statements at pag-atake kay Mayor Vico ang matagal nang paghihirap ng Regent workers sa loob ng tatlong dekada sa kumpanya," sabi ni Christian Lloyd Magsoy, tagapagsalita ng Defend Job Philippines.

Nagbanta naman ng countercharges ang mga labor groups na kanilang ihahain sa mga korte dahil sa mga "unfair labor practices" at diumano'y pang-aabuso sa kanila noong marahas na dispersal.

"Imbis na magsinungaling at magpakalat ng pekeng balita at kaso, sagutin na lang ng RFC ang hiling namin," sabi ni Tita Cudiamat, presidente ng RFWU.

"Kung magmamatigas silang magsingungaling at gagawa ng kwento, gaganti kami sa anumang pamamaraang ligal."

Kahapon, iniutos na ang paglaya ng ilang ipinaaresto sa Regent, matapos maglabas ng order ng Pasig City Metropolitan Trial Court Branch 71.

Humaharap ang 23 sa reklamong "resistance and disobedience to an agent of a person in authority."

Nauna nang sinabi ni Sotto na gagawin niya ang lahat ng makakaya para mapalaya ang 23.

Aalis na lang ng Pasig?

Pinag-iisipan na rin ng Regent na umalis na lang ng Pasig matapos pumanig ni Sotto sa mga nagwewelgang manggagawa.

"Simula ngayon, baka tanggapin na lang ng RFC ang kapalaran nito na gigpitin ito, at 400 manggagawa nito, ng administrasyon ng Pasig City, kung kaya't pinag-iisipan na nitong dalhin ang negosyo nito sa ibang lugar," wika nila.

Pinaninindigan ng Regent ang kanilang posisyon at hindi raw magpapatakot sa banta ni Sotto.

Sinabi ito ng kumpanya matapos ang mahigit 30 taon ng pamamalagi sa nasabing lungsod.

Pero sinagot naman ng mga unyonista ang banta ng RFC.

"Pinatunayan lang ng Regent management ang sinasabi namin simula nang iputok namin ang welga... na magpapatupad ng runaway shop at lockout ng planta nito sa Pasig City ang RFC management para takbuhan ang mga isyung inilalaban namin," sabi ni Cudiamat.

Noong Linggo, matatandaang sinabi ni Mayor vico na maaari namang ituloy ang labor dispute kahit na hindi ipinakukulong ang mga "mahihirap" at "walang kalaban-laban" sa kulungan.

"Kung nais niyong magkaroon ng magandang relasyon sa ating lungsod, iminumungkahi ko na baguhin niyo ang posisyon niyo," sabi ng mayor.

PASIG CITY

REGENT

VICO SOTTO

WORKER'S STRIKE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with