Duterte kay Robredo: ‘Sisibakin kita!’
Kapag nagsiwalat ng sikreto ng estado sa droga
MANILA, Philippines — Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalin niya sa puwesto si Vice President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) kapag isiniwalat nito ang mga sekreto ng gobyerno.
Sa eksklusibong panayam ni Marisol Abdurahman ng GMA News sa Pangulo, sinabi nito na hindi dapat nakakalabas ang mga “classified information” na maaaring maglagay sa bansa sa panganib.
Sinabi ng Pangulo na may limitasyon ang paglalabas ng impormasyon kahit pa sa mga advisers at abogado ni Robredo.
Kapag nagsalita aniya si Robredo ng tungkol sa mga classified na bagay ay sisibakin niya ito.
“Alam kong abogada siya at meron siyang mga tagapayo. May mga bagay na dapat panatilihin sa gobyerno. Na ang mga bagay na classified ay hindi maaaring ibahagi sa iba. Kapag ginawa niya ito, wala na siya. Tatanggalin ko siya. Dahil inilagay mo sa panganib ang seguridad ng estado,” paliwanag ni Duterte.
Natanong ang Pangulo tungkol sa pakikipagpulong ni Robredo sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), at mga opisyal ng United States Embassy tungkol sa problema ng bansa sa ilegal na droga.
Samantala, sa panayam ng DWIZ, inihayag naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi dapat sinasabi ni Robredo sa media ang mga impormasyon na nakukuha nito sa pulong`.
“Huwag mo sasabihin sa media, intel, bakit ka nagme-media, bakit mo piname-media ang meeting? hindi dapat,” sabi ni Sotto.
Naniniwala rin si Sotto na hindi trabaho ng inter-agency committee ang makipagpulong sa UN at sa embahada ng Amerika.
Hindi rin aniya dapat nate-telegraph o naipaparating sa mga kalaban ang mga magiging hakbang ng inter-agency committee laban sa ilegal na droga.
- Latest