Social media nais ipagbawal sa below 13 y/o; 30-minutong 'daily limit' ipinanukala
MANILA, Philippines — Malimit na tawaging "social media capital of the world" ang Pilipinas, ngunit nais ng isang mambabatas sa Kamara na limitahan ang gamit nito sa bansa.
Sa inihaing House Bill 5307 ni Laguna Rep. Danilo Fernandez na natanggap ng Kamara noong ika-5 ng Nobyembre, sinabi niyang mino-monitor ang "bawat galaw" ng mga kabataan online.
"[K]ahit ang pinakabata ay binabaha ng advertising kapag nagtutungo sila online para gumawa ng takdang aralin, makikipag-usap sa kaibigan o maglalaro," sabi ni Fernandez.
"Maliban sa pinalalakas nito ang privacy at seguridad ng mga bata't menor de edad, ikinakampanya rin ng panukalang ito ang consumer protection."
Kung maipapasa, tatawagin itong "Social Media Regulation and Protection Act of 2019."
30 minutong gamit lang araw-araw?
Inilatag sa Section 3 ng panukala ang mga compulsory requirements sa lahat ng social media platforms. Ilan dito ang:
- paglalagay ng age restrictions at limitasyon sa gamit ng lahat ng social media platforms
- pagbibigay ng "sapat at episyenteng" notification mechanism sa idineklarang magulang ng bata
- pagpapalakas ng features laban sa mga mas bata sa 13-anyos
- pagbabawal sa mga social media companies na mangolekta ng impormasyong personal at lokasyon ng sinumang wala pang 13-anyos nang walang pahintulot ng magulang, at pagbabawal na gawin ito sa mga 13-anyos hanggang 17-anyos nang walang pahintulot ng user
- paglalagay ng "natural stopping points" para sa mga users, na pipigil sa pag-scroll ng netizen matapos ang itinakdang bilang ng content
- pagpapadali sa users na ma-track ang bilang ng oras na inilalaan sa social media
- awtomatikong paglilimita sa oras na pwedeng igugol sa lahat ng devices sa 30 minuto kada araw
Bagama't gustong limitahan sa 30-minuto araw-araw ang social media use, maaari naman daw palitan ang limit — ngunit linggo-linggo itong kailangang gawin.
Hihikayatin naman ang Department of Health na isulong ang data-driven approach para pag-aralan ang social media addiction.
Ilalagay naman sa kamay ng Department of Information and Communications Technology ang pagsisiguro at pagprotekta ng privacy, security at confidentiality ng consumers at mga negosyo, at pagmumulta sa mga lalabag.
Maaari ring magsimula ng criminal and administrative prosecution ang DICT kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno para sa mga lalabag sa panukalang batas kung ito'y maipatutupad.
Gamit ng Pinoy sa social media
Sa inilabas na "Digital 2019: Global Digital Overwiew" ng DataReportal noong Enero 2019, sinasabing 10 oras at dalawang minuto ang karaniwang iginugugol ng mga Pilipino sa internet araw-araw — pinakamatagal kumpara sa lahat ng nasyunalidad sa mundo.
Sa oras na 'yan, apat na oras at 12 minuto ang inilalaan ng karamihan ng Pilipino sa social media — mas mahaba kumpara sa worldwide average na 40 minuto.
Kasalukuyang age restrictions
Bagama't nasa terms of service ng Facebook na bawal gumawa ng account ang mas bata sa 13 taong gulang, binabalewala ito ng marami.
Nagpapatupad din ng ganitong panuntunan ang mga social media platforms gaya ng Twitter, Instagram, Reddit atbp.
Mas mataas naman ang age requirement para sa Youtube, na nasa 18-anyos, ngunit pinapayagang gumawa ng account ang 13-anyos pataas basta't may pahintulot ng magulang o guardian.
- Latest