SOCCSKSARGEN team kinasuhan ng game fixing
MANILA, Philippines – Sinampahan ng kaso sa Department of Justice ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang buong team ng SOCCSKSARGEN kabilang ang lahat ng players at opisyal nito dahil sa game fixing.
Sina MPBL Commissioner Kenneth Duremdes at MPBL Legal Counsel Atty. Brando Viernesto ang naghain ng reklamo sa DOJ hinggil sa lahat ng scheming activities sa games ng MPBL.
Matatandaan na nauna nang sinuspinde ni Senator Manny Pacquiao ang buong SOCCSKSARGEN Team matapos matuklasan ang alegasyon na may game fixing at may iba pang scheming activities na ginawa ng koponan sa MPBL.
Sinabi ni Pacquiao na mahirap para sa kanya na suspendihin ang naturang team pero kailangan magsagawa ng drastikong pagkilos upang protektahan ang integridad ng liga.
Hindi umano dapat na mahaluhan ng anumang anomalya ang liga dahil integridad ang pinaiiral ng grupo.
Kailangan pairalin umano ang samahan at pagkakaisa ng mga manlalaro at hindi dapat na pairalin ang dayaan.
“Dapat itong magsilbing seryosong paalala sa lahat ng ibang koponan sa MPBL na hindi natin pinahihintulutan ang anumang anyo ng pandaraya at ibang unsportmanlike behavior.
Binuo natin ang MPBL para itaguyod ang parehas na laro sa basketball kaya ayokong makarinig ng anoman na makakasira sa pangalan ng liga,” diin ni Pacquiao.
- Latest