Albayalde nagretiro na, walang retirement honors
MANILA, Philippines — Tahimik at walang iginawad na retirement honors para kay dating PNP chief General Oscar Albayalde matapos itong pormal ng magretiro sa serbisyo kahapon kasabay ng kaniyang ika-56 taong kaarawan.
Sinabi ni PNP spokesman P/Brig. Gen. Bernard Banac na hindi na nag-request ng ‘retirement honors’ si Albayalde na sumapit na sa kaniyang mandatory age retirement na siyang opisyal na pagreretiro sa PNP.
Sa kabila nito, ayon kay Banac ay hinihintay pa ng PNP ang opisyal na pag-aanunsyo ng Palasyo kung sino ang masuwerteng contender na iluklok sa puwesto.
Una nang nagbitiw sa puwesto si Albayalde noong Oktubre 14 na nag-avail ng Non-Duty Status matapos makaladkad ang pangalan sa kontrobersyal na “ninja cops” na inimbestigahan sa Senado.
Karaniwan ng isinasabay ang pagreretiro ng nakaupong PNP Chief kasabay ng pagsasalin ng kapangyarihan sa kaniyang successor.
Si Albayalde ang ika-22 PNP Chief at ikalawa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte na humalili sa puwesto ni dating PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald ‘Bato’dela Rosa.
- Latest