Kung matibay sa intensity 8 na lindol Audit sa mga bahay at gusali giit ng Phivolcs
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa pagsasagawa ng structural audit o pagsusuri kung gaano katibay laban sa malalakas na lindol ang mga bahay at gusali sa Mindanao at kung sumusunod ang mga ito sa National Building Code.
Ginawa ni Science Undersecretary at Phivolcs Director Renato Solidum Jr. ang panawagan dahil isa pang active fault sa Cotabato ang maaaring magbunsod ng mas malakas na lindol sa Mindanao.
“Kung titignan ang Cotabato Fault System, ang mas mahabang fault ay Makilala-Malungon Fault, na hindi pa gumagalaw. Kung gagalaw ang buong fault, lilikha ito ng magnitude 7.2 na lindol,” paliwanag ni Solidum.
Sinabi pa niya na ang Cotabato Fault System ang nagbunsod ng magnitude 6.3 na lindol noong Oktubre 16 at magnitude 6.6 na lindol noong Oktubre 29. Niyanig din ng magnitude 6.5 na lindol ang Cotabato noong Oktubre 31.
Sinabi pa niya na hindi nila inaalis ang posibilidad na may maganap na isa pang malakas na lindol mula sa ibang fault. Wala pang teknolohiya na makakatukoy kung kailan at saan magaganap ang lindol.
“Ang mairerekomenda lang namin sa pamahalaang lokal sa Mindanao at sa buong Pilipinas ang pagsasagawa ng structural audit sa lahat ng mga bahay at gusali para matiyak na nasusunod ang National Building Code.
Itinatadhana sa National Building Code na ang mga gusali at bahay ay dapat matibay laban sa intensity 8 na lindol.
Hinikayat din ni Solidum ang mga pamahalaang lokal at inhinyero na magbigay sa publiko ng template ng mga bahay na maaaring makatagal sa lindol.
Ang mga istruktura anya na sumusunod sa Building Code ay dapat makatagal at matibay laban sa intensity 8 na lindol na mas mataas nang isang notch sa intensity 7 na lindol na bunsod ng lindol noong nakaraang buwan.
- Latest