Quake victims namamalimos na
MANILA, Philippines — Namamalimos na ng tulong sa kalsada ang mga biktima ng lindol sa Cotabato dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig bunga ng matinding pinsalang dinanas sa tatlong malalakas na lindol sa Mindanao.
May bitbit na mga placard na nagmakaawa at kumakaway ang mga residente sa ilang dumaraan na motorista para humingi ng tubig, bigas, gamot, trapal at iba pang pangangailangan.
Nagkakasakit na rin umano ang mga bata dahil sa init at lamig sa ilalim ng mga trapal na nagsisilbi nilang pansamantalang tirahan.
“Please po tulungan niyo po kami. Kung sinong may puso, tingnan niyo na lang po kalagayan ng bawat isa na nandito ngayon,” panawagan ng residenteng si Melanie Inoc.
May ilan namang motorista ang tumitigil para magbigay ng tinapay, pera o kahit cup noodles sa ilang biktima ng lindol na namamalimos sa daan.
Samantala patuloy namang nananawagan ng tulong na damit, pagkain, tubig at mga gamot ang mga biktima ng lindol sa Central at Eastern Mindanao.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hanggang alas-6:00 ng umaga kahapon, umaabot na sa 6,850 ang mga residente sa Mindanao na nawalan ng tahanan at mas piniling huwag manatili sa mga evacuation center.
Meron namang 20,635 pa na sumisilong sa evacuation areas sa Mindanao.
Nasa 17 ang death toll, 2 ang nawawala at 327 ang sugatan.
Nasa 29,349 pamilya naman ang apektado o 146,745 katao habang 28, 222 mga imprastraktura ang napinsala kabilang dito ang 27,350 kabahayan, 757 eskuwelahan at 37 health facilities.
- Latest