Mga gusali inspeksyunin vs lindol
Digong sa LGUs
MANILA, Philippines — Nanawagan kamakalawa ng gabi si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government unit na inspeksyunin ang lahat ng mga luma at bagong gusali para matiyak na makakatagal ang mga ito sa mga lindol.
Bagaman hindi matatantiya ang pagdating ng lindol, sinabi ni Duterte na dapat pag-ibayuhin ng mga LGU ang inspeksyon sa mga gusali lalo na sa mga nabigyan ng building permit para sumunod ang mga ito sa Building Code.
“Oras nang inspek- syunin ng mga LGU ang lahat ng mga gusali. Umpisahan na nila ngayon. Dumating na ang panahon ng mga lindol. Hindi ko alam kung mangyayari na naman ito ngayon o bukas,” sabi ng Pangulo.
Nais niyang matiyak na sumusunod ang lahat ng mga building owner sa National Building Code.
“Ang problema nito, wala ako dito, nasa Bangkok ako. Kaya ayokong may mangyaring kalamidad habang wala ako. Hindi lang para sa anupaman. Ano lang, manatili rito at gawin ang magagawa ninyo para sa inyong mga kababayan,” wika pa ng Pangulo kamakalawa makaraang dalawin ang puntod ng kanyang mga magulang sa Davao.
Samantala, nanawagan kahapon ang Palasyo sa Kongreso na amyendahan ang National Building Code upang maiwasan ang mas marami pang peligro na posibleng maidulot ng mahinang istraktura sa panahon ng natural disasters.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, masyado ng outdated ang umiiral na batas na may kinalaman sa National Building Code habang maluwag na rin ang pagkakabalangkas dito.
Ayon kay Sec. Andanar, panahon na upang higpitan ang batas na may kaugnayan sa pag-iisyu ng building permit.
- Latest