^

Bansa

'Sardinas, noodles sunod na magmamahal sa pagbuwis ng maaalat na pagkain'

James Relativo - Philstar.com
'Sardinas, noodles sunod na magmamahal sa pagbuwis ng maaalat na pagkain'
Kung kamukha raw ito ng Asin tax noong 17th Congress, maaari raw umabot ng P490 ang cup noodle na may 990 milligram ng sodium matapos iawas ang 500 mg na daily dietary allowance para sa mga matatanda.
The STAR/Edd Gumban, file

MANILA, Philippines — Nagbabala ang ilang mambabatas patungkol sa mga negatibong epekto ng panibagong buwis na nais ipataw ng Department of Health sa ilang pagkain, bagay na magpapasirit daw lalo sa presyo ng ngayo'y murang pantawid-gutom.

Iminungkahi kasi ng DOH na patawan ng tax ang maaalat na pagkain, tulad ng daing, para mapababa ang sodium intake ng mga Pinoy alang-alang sa kanilang kalusugan.

Pero biro ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, hindi porke Halloween ay dapat nang manakot na bubuhayin muli ng patay nang "asin tax bill," na bigong maipasa noong 17th Congress.

"Sa Asin tax, maski end product... bubuwisan [ang] P1/mg ng sodium o asin sa produkto, dahil per milligram ang kwentada nila ay napakabigat nito sa mahihirap," sabi niya Huwebes.

Pangamba nila, maaaring umabot ng daan-daan ang ilang murang pagkain kung kamukha ng asin tax ang babalangkasin ng gobyerno.

"Maski ipataw lang ito sa ibabaw ng sodium daily dietary allowance na 500 mg per day for adults ay papatak na ilandaang piso na ang daing, tuyo, sardinas o noodles atbp." dagdag niya.

Halimbawa, maaari raw umabot ng P490 ang cup noodle na may 990 milligram ng sodium matapos iawas ang 500 mg na daily dietary allowance para sa mga matatanda.

Ang de latang sardinas naman daw, na may 610 mg ng sodium content, ay pwedeng umabot ng P110 kung maipatutupad ang asin tax.

Ibinase raw ang panukalang asin tax bill noong nakaraang kongreso sa computation ng Philippine Chamber of Food Manufacturers Incorporated, kung saan P6.85 ang kada noodle pack na maaaring maging P800 kung naisabatas.

Depensa ng DOH, pinag-aaralan nila ito para maiwasan ng mga Pilipino ang iba't ibang klase ng sakit na may kaugnayan sa maaalat na pagkain.

"Maiuugnay ang asin sa hypertension, sakit sa puso at bato," wika ni Health Undersecretary Eric Domingo sa isang press conference sa Inggles.

"Kaya isa ito sa mga gusto nating pag-aralan na kapag binuwisan natin ang maaalat na pagkain, pwedeng makabuti ito sa ating kalusugan."

Noong 2017, kabahagi rin ng tax reform law ang pagpapataw ng excise tax sa mga inuming matatamis.

Pero hindi lang mga kritiko ng gobyerno ang may kwestyon sa nais ng DOH, ngunit pati na rin ang iba pang opisyal ng gobyerno.

DTI nabahala rin sa plano

Pinag-iingat naman ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ang pamahalaan sa pagpapataw ng nasabing buwis.

"Sa industriya, lalo na pag food product, ideally walang tax sana. Lalo na 'yang salt. Maraming tatamaan 'pag salt," wika ni Lopez sa ulat ng GMA News.

"Kung gustong tax-an, tingin ko lang doon, wag lang sobrang laki na para talagang ayaw mo nang ipakain. Kasi basic yan e. Lalo na kung basic foods."

Nitong mga nakaraang buwan ay nakaahon pa lang ang Pilipinas sa pagsirit ng inflation rate, o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ilan sa mga itinuturing dahilan ng pagbagal ng inflation ay ang "mabagal na pagtaas ng presyo ng pagkain."

'Kalusugan? Pondohan ang public health'

Hindi rin ito ikinatuwa ng ilan sa sektor ng paggawa ang layong buwisan ang daing at tuyo, na tinawag nilang "pagkain ng mahihirap."

Ayon sa Kilusang Mayo Uno, kung totoong may pakialam ang gobyerno sa kalusugan ng mga Pilipino sana'y pondohan na lang nang husto ang serbisyong pangkalusugan.

"Ang ginagawa ng mga ganitong klaseng buwis ay pahirapan pa ang noo'y mahihirap na," paliwanag ni Elmer Labog, chairperson ng KMU.

"Saan napupunta ang mga buwis? Sa serbisyong pangkalusugan ba? Hindi. Napupunta ba sa public hospitals na nagmamando... pati sa health awareness and education? Hindi."

Sa panukalang 2020 General Appropriations Act, sinabi ng grupo na binawasan pa nga ng P9.39 bilyon ang pondo ng DOH, kasama ang P6-bilyong cut sa Human Resources for Health Deployment Program.

Dahil aniya nais pa bawasan ang pondo sa kalusugan, matatapyasan pa raw tuloy ng 10,000 ang health workers.

Paratang niya, napupunta lang sa mga "kampon" ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga buwis na ito, kabilang ang mga nagpapasa ng mga nasabing batas.

"Mababa na ang sahod ng ordinaryong Pilipino... Papatay lang ang bagong buwis na 'yan," wika pa ni Labog.

Sang-ayon naman ang Bagong Alyansang Makabayan sa mga sinabi ng KMU.

Ayon kay Renato Reyes Jr., secretary general ng Bayan, may ibang pwedeng gawin kung nais mailayo ang mga Pilipino sa sobrang alat na pagkain.

"Kung gusto natin na maging mas masustansya ang kakainin nila, bigyan ang taumbayan ng regular na trabaho o dagdagan ang sahod," sabi niya.

"Itaas ang pamantayan ng pamumuhay. Hina-highlight lang ng pagta-tax sa maaalat na pagkain ang insensitivity ng gobyerno sa mahihirap."

BAYAN MUNA PARTY-LIST

DEPARTMENT OF HEALTH

KILUSANG MAYO UNO

SALTY FOODS

TAX

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with