8,405 katao naapektuhan ng lindol sa Mindanao
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 8,405 katao mula sa 1,681 pamilya ang naapektuhan ng 6.6 magnitude na lindol sa Region 12.
Base sa pinagsamang ulat ng pulisya at Regional Office of Civil Defense sa mga apektadong lugar ng lindol partikular na sa Central Mindanao at Davao Region, nasa walo na ang naitalang nasawi sa delubyo ng lindol.
Gayunman, lima pa lamang ang kinukumpirma ng NDRRMC na namatay sa lindol, ayon na rin sa spokesman nitong si Mark Timbal. Tumaas na rin ang bilang ng mga sugatan na naitala sa 394 katao.
Sinabi ni Timbal na pinakagrabeng naapektuhan ang mga bayan ng Tulunan at M’lang sa Cotabato, gayundin ang lungsod ng Kidapawan.
Nasa 3,505 indibidwal o katumbas ng 701 pamilya ang nanatili pa rin sa evacuation centers habang 4,900 katao o 980 pamilya ang lumikas o pansamantalang nanunuluyan sa ibang ligtas na lugar.
Sa kasalukuyan, patuloy ang assessment ng NDRRMC at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pinsala ng lindol.
- Latest