^

Bansa

Pilipinas ika-5 sa bansang 'di malutas-lutas ang media killings — CPJ

Philstar.com
Pilipinas ika-5 sa bansang 'di malutas-lutas ang media killings â CPJ
Sa kanilang 2019 World Impunity Index, lumalabas na lumala pa ang lagay ng Pilipinas ngayong taon kumpara noong 2018.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines — Nananatiling nasa ikalimang pinakamalalang bansa ang Pilipinas kung saan nananatiling hindi resolbado ang kaso ng mga pagpaslang sa mga mamamahayag, ayon sa ulat ng grupong Committee to Protect Journalists na inilabas ngayong Martes.

Sa kanilang 2019 World Impunity Index, lumalabas na lumala pa ang lagay ng Pilipinas ngayong taon kumpara noong 2018.

Kinekwenta ng impunity index ang bilang ng unresolved journalist murders at pinoporsyento ito kontra sa populasyon ng isang bansa.

Tanging mga journalist na sinadyang patayin kaugnay ng kanyang trabaho ang sinilip, at hindi kasama ang mga napatay sa labanan o mapanganib na assignment, tulad ng mararahas na protesta.

Ngayong taon, nananatiling nasa 41 kaso ng pamamaslang ang hindi pa nalulutas, 32 rito ay nanggaling sa 2009 Maguindanao massacre na magsasampung taon na sa ika-23 ng Nobyembre.

Matatandaang lumapag din sa ikalimang pwesto ang Pilipinas sa parehong isyu taong 2017 at 2018.

Bagama't inaasahang matapos ang paglilitis ng nasabing masaker ngayong taon, sinabi ng 2019 index na "wala pang inaanunsyong verdict." 

Sa sobrang tagal ng kaso, namatay na lang sa preso noong Hulyo 2015 si Andal Ampatuan Sr., na itinuturo ng mga prosecutor bilang utak sa pagpaslang.

Una nang sinabi ng Palasyo na mapapaigi ng conviction ang CPJ index ranking ng Pilipinas.

Nangako rin si Undersecretary Joel Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security, na magbibitiw siya sa pwesto oras na mapawalang-sala ang mga Ampatuan.

Kabilang sa mga primary suspects ng malagim na pangyayari sina Datu Andal, Datu Zaldy at Datu Sajid Islam Ampatuan.

Somalia numero uno pa rin

Samantala, nanguna naman sa listahan ng unresolved media killings ang bansang Somalia, kung saan may nangyayaring gerang sibil simula 2009 magpasahanggang ngayon.

Ito na ang ikalimang sunod na taon kung saan top notcher ang Somalia.

Narito kabuang listahan batay sa pagkakasunod-sunod:

  1. Somalia
  2. Syria
  3. Iraq
  4. South Sudan
  5. Pilipinas
  6. Afghanistan
  7. Mexico
  8. Pakistan
  9. Brazil
  10. Bangladesh
  11. Russia
  12. Nigeria
  13. India

Tanging ang mga bansang may lima pataas na kasong hindi nareresolba ang isinama sa listahan ng CPJ.

Lahat ng 13 ay naisama na sa listahan ng CPJ noon, kung saan pito sa mga ito ang lumalabas taun-taon.

Sabi ng CPJ, nakaaambag ang katiwalian, mga institusyong hindi epektibo at kawalan ng political will na itilak ang imbestigasyon sa pagpapalaganap ng impunity, o kawalan ng pananagutan.

Ginawa ang listahan batay sa mga kaso kung saan wala pang naaabot na conviction, mula ika-1 ng Setyembre, 2009 hanggang ika-31 ng Agosto, 2019.

Tanging ang mga murder cases na may "complete impunity" ang itinatala ng index, hindi nito kasama ang mga pagkakataong nakakakuha ng "partial justice."

Sa mga pagkakataong na-convict ang ilang suspect ngunit ang ang iba ay hindi, kinikilala ito bilang partial impunity.

Partial impunity rin ang tinatawag ang sitwasyon sa tuwing ang mga suspect ay napapatay sa kalagitnaan ng paghuli.

Ayon sa CPJ, madalas daw na pinupuntirya ng mga armadong grupo gaya ng Al-Shabaab, Boko Haram at Islamic State ang mga peryodista.

"[M]ayor na banta ang mga criminal groups, na pumapatay ng malaking bilang ng journalists at madalas makatakas sa hustisiya," sabi ng CPJ sa Inggles.

Sa loob ng 10-taong index period, 318 na journalist ang napatay dahil sa kanilang trabaho sa buong mundo.

Sa 86% ng mga kasong iyon, walang naprosecute nang maayos sa mga nagsagawa nito.

Mexico 'deadliest country para sa journo'

Bagama't ikapito lang sa listahan, kinilala naman ng grupo ang Mexico bilang pinakapeligrosong bansa sa buhay ng mga peryodista ngayong taon.

"[A]ng Mexico, na pinakanakamamatay na bansa para sa mga mamamahayag ngayong taon, makikitang lumalala taun-taon ang impunity rating nila simula noong 2008, habang naglulunsad ng kampanya ng pananakot ang mga criminal cartel laban sa media," sabi nila.

Sa loob ng index period, 31 pagpatay ng mga mamamahayag ang nangyari sa Mexico, kung saan isa lang ang na-convict. — may mga ulat mula kay Artemio Dumlao

COMMUNITY TO PROTECT JOURNALISTS

MEDIA KILLINGS

PRESS FREEDOM

WORLD IMPUNITY INDEX

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with