^

Bansa

'Patas lang': Esperon okay sa 60-40 hatian sa Tsina sa oil, gas exploration

James Relativo - Philstar.com
'Patas lang': Esperon okay sa 60-40 hatian sa Tsina sa oil, gas exploration
"Sila ang gagastos, at mas malaking neto ang mapupunta sa atin. Sobra-sobra pa nga sa patas 'yan," ani National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Walang nakikitang masama si National Security Council Secretary Hermogenes Esperon Jr. sa napipintong joint exploration ng likas-yaman sa West Philippinas sa pagitan ng bansa at Tsina, kung saan 60% ng kita ay sa Maynila at 40% ay sa Beijing.

Nobyembre noong 2018 nang lagdaan ng dalawang bansa ang memorandum of understanding para sa joint gas and oil development sa pinag-aagawang teritoryo, na malapit sa isla ng Palawan.

"Okay na hatian ang 60-40. Pero hindi pa 'yan pinal. Pwede pang umabot sa 61 [ang atin] o mas mataas pa," sabi ni Esperon sa isang press briefing sa Inggles.

Sabi ng retiradong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, malaking bagay na raw ang isang porsyento kung malaking pamumuhunan ang pag-usapan.

Una nang binanggit ni Duterte na kakailanganing balewalain ang 2016 arbitral award ng West Philippine Sea pabor sa Pilipinas para masiguro ang "economic activity" sa exclusive economic zone.

"Gusto nilang mag-explore, at kapag may nakita roon, sabi nila [Chinese president Xi Jinping] 'bibigyan namin kayo ng 60%.' 40% lang daw ang kukunin nila," wika ni Duterte noong Setyembre.

Ang joint exploration, na dudulo sa pagtatayo ng "energy fields," ay magiging kahalintulad daw ng ginawa sa Malampaya, kung saan papasok din ang iba pang mga negosyo.

Nangyayari ang lahat ng ito kahit na sinasabi ng Article XII Section 2 ng 1987 Constitution na tanging mga Pilipino lang ang dapat makinabang sa yamang dagat sa EEZ ng bansa:

"The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens."

Pero paglilinaw pa ni Esperon, hindi naman daw ibig sabihin na isusuko ng Pilipinas ang karapatan nito sa lugar.

"Wala tayong pinag-uusapang territorial rights. Ang pinag-uusapan lang natin dito ay 'yung patas na hatian sa atin at sa kanila," patuloy niya.

"Wala tayong pinag-uusapang teritoryo."

'Hindi lugi ang Pilipinas, lamang pa nga'

Giit pa ng National Security Council, lamang na lamang pa nga raw ang Pilipinas kontra Tsina pagdating sa nasabing kasunduan.

"'Yan ang neto, dahil sila ang gagastos para sa lahat ng extraction at iba pa," sabi ni Esperon.

"Sila ang gagastos, at mas malaking neto ang mapupunta sa atin. Sobra-sobra pa nga sa patas 'yan."

Bilang paghahambing, sinabi pa niya na 60-40 rin naman daw pabor sa Pilipinas kontra mga banyaga ang iskemang ginagamit sa Malampaya gas field.

Sabi pa ng kalihim, kahit na gumastos ang Pilipinas para rito ay hindi nangangahulugang malulugi ang bansa, pero: "Sa ngayon, sila pa lang talaga halos ang gagastos diyan."

Hindi pa naman daw tiyak na tiyak kung saan ito planong gawin, ngunit siguradong sa kanlurang bahagi raw ito ng Palawan mangyayari.

Noong nakaraang linggo, gumawa na rin ng stirring committee na pangungunahan ng Department of Foreign Affairs, Department of Energy at Department of Environment and Natural Resources.

Tinatayang nasa P70 bilyon ang halaga ng mga isdang matatagpuan sa West Philippine Sea, ayon sa gobyerno.

CHINA

HERMOGENES ESPERON

JOINT OIL AND GAS EXPLORATION

PALAWAN

RODRIGO DUTERTE

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with