^

Bansa

Parusa vs. Manila Water, Maynilad sa '18-hour water interruption' inilaban

Philstar.com
Parusa vs. Manila Water, Maynilad sa '18-hour water interruption' inilaban
"Kawawa naman ang mga mahihirap na pamilya at ang mga maliliit na negosyo, gaya ng karinderya, car wash at laundry shops na gumagamit ng tubig sa araw-araw," sabi ni Marcos sa isang pahayag.
The STAR/Miguel Antonio de Guzman, File

MANILA, Philippines — Nais panagutin ng isang senadora ang mga pribadong concessionaires ng tubig dahil sa kasalukuyang krisis sa suplay ng tubig na nararanasan ng Kamaynilaan at mga karatig na lalawigan ngayong Huwebes.

Ito'y matapos mag-schedule ng rotational supply interrruption ang Manila Water at Maynilad kasunod ng "madalang" na pag-ulan sa Angat at Ipo watersheds na dahilan daw ng unti-unting pagbaba ng lebel ng tubig sa mga nasabing dam.

Ayon kay Sen. Imee Marcos, 15-milyong consumer mula sa Kamaynilaan at mga kalapit na probinsya ang apektado ng problema sa tubig na "tatatagal ng hanggang 18-oras."

"Kawawa naman ang mga mahihirap na pamilya at ang mga maliliit na negosyo, gaya ng karinderya, car wash at laundry shops na gumagamit ng tubig sa araw-araw," sabi niya sa isang pahayag.

Dagdag niya dapat ay pinaghandaan na raw ng dalawang concessionaires ang mangyayari dahil sasapulin daw nito ang mga mahihirap na consumer.

Kasaysayan ng shortage ngayong 2019

Nitong Marso at Setyembre, matatandaang naantala na ang suplay ng tubig ng dalawang concessionaries.

Matatandaang pinatawan ng P1.15 bilyong multa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang Manila Water noong Abril dahil sa kabiguan nitong maghatid ng walang patid na serbisyo sa mga customer nito sa east concession zone noong Marso, bagay na paglabag sa concession agreement.

Inamin naman ng Ayala-led water provider na lumabag sila sa service requirement na hinihingi ng kasunduan.

"Di ba nasabon at binalaan na sila ni Pangulong Duterte na ite-terminate ang concession agreements noong Marso dahil sa kapalpakan nila, pero ngayon wala pa rin silang solusyon sa problema sa tubig. Alam naman nila na may kakulangan sa suplay nito. Bakit ang mga tao ang babalikat ng sakripisyo?" galit na pahayag ng anak ng dating diktador.

Kasama sa tatamaan ng kakulangan sa tubig ang Mandaluyong, Maynila, Marikina, Navotas, Muntinlupa, Malabon, Makati, Las Piñas, Caloocan, Valenzuela, Parañaque, Pasay, Quezon City. Kasama rin ang mga lalawigan ng Rizal, Cavite at Meycauayan Bulacan.

Makikita ang kumpletong schedule ng mga serbisyong naantala ngayong araw rito.

Sabi ni Marcos, maaaring silipin ng Senado ang kasunduan sa dalawang kumpanya ng tubig na binigyan ng karapatan na mag-operate at magmintena ng water utilities sa takdang panahon.

Ipinaliwanag naman ng Manila Water ang kanilang sarili sa isang pahayag Miyerkules kung bakit mawawalan ng tubig ang mga sineserbisyuhan nila gabi-gabi simula ngayong Huwebes.

"Ito ay aming isasagawa... upang mapagkasya ang limitado pa ring supply ng tubig hanggang sa susunod na tag-araw, o maging sa kabuuan ng susunod na taon, sakali mang hindi na umabot pa sa inaasahang 212 meters na lebel ang Angat Dam sa pagtatapos ng 2019," sabi ng nila.

Ayon naman sa Maynilad, nananatili pa ring 40 cubic meters per second, mula sa normal na 48 cms, ang kasalukuyang alokasyon ng tubig.

"Kaya naman kapos ang raw water supply na pumapasok sa Ipo Dam at sa water treatment facilities ng Maynilad," sabi nila.

Dagdag pa ng kumpanya, paghahanda raw ang kanilang rotational water service interruption sa tag-araw ng 2020, at idinahilan din nila ang parehong problema sa Angat.

Nasa 185.87 metro ang lebel ng Angat kaninang alas-sais ng umaga habang 100.37 metro naman ang Ipo Dam.

Imbestigasyon sa Kamara

Kahapon, inihain naman ng Bayan Muna party-list ang House Resolution 10 para makapag-schedule na ng pagdinig para gisahin ang Manila Water at Maynilad.

"Sana hindi pakana ang panibagong pagkaantala ng suplay ng tubig para itulak ang konstruksyon ng Kaliwa dam na punung-puno ng anomalya, na kitang-kitang papanig sa Tsina," sabi ni Deputy Minority leader Carlos Zarate sa Inggles.

Si Bayan Muna chairperson Neri Colmenares naman, iginiit na dapat mapigilan ang mga nakaraang pagtaas ng singil sa tubig.

Aniya, ikinatwiran daw kasi noon ang rate rebasing periods nang ilang taon dahil sa "bilyun-bilyong pisong" kakailanganin para maghanap ng panibagong pagkukuhanan ng tubig.

"Ngayon, sasabihin niyo sa aming hindi kayo makapagbibigay ng sapat na tubig?" sabi niya.

"Ilalaban namin na maibalik ang lahat ng rate increases, kasama ng pagbubukas ng lahat ng kanilang libro at masusing audit ng Commission on Audit sa isang pagdinig na bukas sa publiko."

ANGAT DAM

BAYAN MUNA

CARLOS ZARATE

IMEE MARCOS

IPO DAM

MANILA WATER

MAYNILAD

NERI COLMENARES

WATER SUPPLY INTERRUPTION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with