5K trabaho sa Europe alok
MANILA,Philippines — Mangangailangan ng 5,000 skilled at semi-skilled Pinoy workers sa Southern Central Europe, ayon sa Department of Labor and Employment.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, nais ng bansang Slovenia na humingi ng pahintulot sa Pilipinas kaugnay sa pagpapadala ng nasa 2,000 hanggang 5,000 na manggagawa upang mapalakas ang kanilang workforce.
Kahalintulad din ito sa mga oportunidad na ibinibigay ng Russia at Canada sa mga Pilipinong manggagawa.
Kabilang sa mga trabahong bubuksan sa mga Pilipino ay mga health care worker, nurse, engineer, truck driver, heavy machine at equipment operator, at iba pa, at mga household service worker.
Maganda rin ayon sa kalihim ang suweldo sa Slovenia na mas mataas kumpara sa Middle East dahil ang mga kuwalipikadong manggagawa ay maaaring makatanggap ng minimum wage na $1,000.
Ang mga klase ng trabaho at requirement ay isasapinal sa oras na matapos ang bilateral agreement. Isa naman ang English language proficiency sa mga magiging kuwalipikasyon para sa mga nais mag-aplay.
Gayunman, nagpaalala ang kalihim na hindi pa nagsisimula ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa Slovenia.
“Inaabisuhan namin ang publiko na hintayin ang pormal na anunsyo na magsisimula na ang pagtanggap ng aplikasyon” wika niya.
- Latest