Tropical Storm Perla halos hindi gumagalaw sa nakaraang 6 na oras
MANILA, Philippines — Halos walang pagbabago sa posisyon at lakas ng Tropical Storm Perla (Neoguri) sa nakaraang anim na oras sa pinakahuling severe weather bulletin ng PAGASA.
Natagpuan ang mata ng bagyo 790 kilometro silangan ng Basco, Batanes bandang 10:00 a.m. — parehong-pareho ng posisyon nito kaninang 4:00 a.m.
Napanatili din nito ang lakas nito sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at may dalang bugso ng hangin na aabot sa 80 kilometro kada oras.
Mula sa pagiging tropical depression, itinaas na ang klasipikasyon nito bilang tropical storm ngayong umaga.
Una nang sinabi na tatama ito direkta sa probinsya ng Cagayan sa darating na Linggo.
Gayunpaman, nagbago ang forecast track ng bagyo.
"Based po sa track nito, hindi na po natin siya inaasahan na mag-landfall nga sa alinmang bahagi ng bansa. Pero, posibleng makaranas pa rin ng mga pag-ulan, mga kalat-kalat na pag-ulan dito sa area ng Extreme Northern Luzon," sabi ni Ezra Bulquerin, weather specialist ng PAGASA.
Mababa man ang tiyansa na mangyari ito, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na maapektuhan ang mga nabanggit na lugar.
Nananatiling peligroso sa ngayon ang paglalayag para sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa seaboards ng Hilagang Luzon buhat ng maaalon hanggang sa napakaalong kondisyon kaugnay ng "northeasterly surface wind flow."
- Latest