Gordon kinontra ng DOJ
MANILA, Philippines – Inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hindi nila puwedeng aksiyunan ang hirit ni Sen. Richard Gordon na i-perpetuate o ipreserba ng Department of Justice (DoJ) ang mga testimonya ng tatlong pulis na sangkot sa paghuli sa sinasabing drug lord na si Johnson Lee sa drug raid sa Pampanga noong 2013.
Ayon kay Guevarra, hindi nila puwedeng pakialaman ang pagpreserba sa testimonya ng mga pulis maging ng mga barangay official ng Mexico, Pampanga dahil ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang nagsampa ng kaso.
Dapat umanong ang CIDG mismo ang magsulong sa perpetuation ng mga ebidensiya para magamit ito sa hinaharap dahil maaring hindi makadalo sa mga pagdinig ang testigo sa oras na ang kaso ay maiakyat na sa korte.
Una nang sinabi ni Gordon, mas mainam na hakbang ang perpetuation of testimony dahil matitiyak na magagamit ang testimonya bilang ebidensiya sa korte ano man ang mangyari sa testigo.
Pero ayon kay Guevarra, nasa reinvestigation stage pa lamang ang reklamo laban sa mga pulis na inaakusahang nagre-recycle ng droga kaya’t ang CIDG na tumatayong complainant ang dapat magsulong nito.
Pero sakali umanong makitaan ng DOJ ng probable cause ang reklamo laban sa mga binansagang “ninja cops,” gagawin ng kagawaran ang lahat para mapreserba ang testimonya ng mga testigo.
- Latest