Tropical Depression Perla posibleng sumalpok sa Cagayan sa Linggo
MANILA, Philippines — Tinatayang lalapit nang husto o tatama sa Extreme Northern Luzon ang bagyong "Perla" sa darating na weekend, ayon sa forecast ng weather bureau ngayong alas-onse ng umaga.
"[P]agdating nga ng Linggo, posible itong tumama, or mag-landfall dito sa lalawigan ng Cagayan. Inaasahan, around 40 kilometers na lamang ang layo sa silangan ng Aparri, Cagayan," ani Chris Perez, senior weather specialist ng PAGASA.
Natagpuan ang bagyo 860 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan kaninang alas-diyes ng umaga, at may dalawang hangin na aabot ng hanggang 45 kilometro kada oras malapit sa gitna.
May bugso rin itong hanggang 55 kilometro kada oras at kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Wala pa ring nakataas na tropical wind signal sa bansa, ngunit posibleng itaas na ang signal number 1 sa ilang lugar sa Biyernes.
"Bukas... posible tayong magtaas ng at least tropical cyclone warning signal number 1 sa ilang bahagi ng Northern Luzon," dagdag ni Perez.
Posibleng magdala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang bagyong Tropical Depression perla sa Batanes, Cagayan (kasama ang Babuyan Islands) at Apayao simula Sabado o Linggo.
- Latest