‘Commute challenge’ ni Panelo inaabangan
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang media coverage ang gagawin niyang pag-commute sa pagpasok ng Malacañang ngayon (Biyernes).
Anya, hindi bago sa kanya ang mag-commute dahil huli niyang ginawa ito may 2 buwan na ang nakakaraan.
“Yung acceptance, just to show to them na hindi totoo ‘yung sinasabi nila na hindi tayo naghihirap... Lahat tayo palaging tatamaan ng paghihirap ng iba,” sabi ni Panelo.
Una nang hinamon ng Bayan, Anakbayan at Bayan Muna si Panelo na subukan nitong sumakay ng jeep at makipagsiksikan sa LRT para maranasan nito ang kalbaryo na dinaranas araw-araw ng mga commuters.
Hindi naman nagbigay ng detalye si Panelo kung anong oras at saan siya magmumula para sumakay ng jeep at LRT 2.
Bukod kay Panelo, hinamon din ng grupo na subukang sumakay sa mass transport system tuwing rush hour sa loob ng isang linggo sina President Duterte, Transportation Secretary Arthur Tugade at Metropolitan Manila Development Authority spokesperson Celine Pialago.
Magugunitang sinabi ni Panelo na dapat daw maagang umalis ng bahay ang mga commuters para hindi sila ma-late sa pagpasok sa trabaho o eskwelahan matapos masira ang LRT 2 ng pumutok ang power rectifier nito kamakailan na nagdulot ng matinding perwisyo sa mananakay.
Nanindigan din ito na walang krisis sa transportasyon pero aminadong may problema kaya hinahanapan ito ng solusyon ng gobyerno.
- Latest