^

Bansa

Bayan 'excited' makasabay si Panelo sa LRT commute challenge sa Biyernes

James Relativo - Philstar.com
Bayan 'excited' makasabay si Panelo sa LRT commute challenge sa Biyernes
Ayon pa kay Bayan Secretary General Reyes, sapat daw ang haba ng "waiting time" sa LRT para mapag-usapan nila ang long-term solutions sa problema ng trapik at pampublikong transportasyon.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Nasasabik na ang ilang lider militante sa napipintong pagsakay ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa jeep at tren para maranasan ang arawang kalbaryo ng mga mananakay.

Kagabi, matatandaang kumasa si Panelo sa hamon ng Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyasang Makabayan at Anakbayan na mag-commute matapos sabihing "walang mass transport crisis" sa Kamaynilaan.

"Tinatanggap ko ang hamong mag-commute. Ngayong Biyernes, sasakay ako ng jeep at LRT papuntang trabaho," sabi niya sa media sa Inggles.

Una nang tumanggi si Panelo sa hamong gawin ito nang isang linggo ngunit bumigay din 'di lumaon.

Dahil dito, inaabangan na ito hindi lang ng mga militante ngunit pati na rin sa social media.

"Sal, dito na me. Wer na u? Ah, sa Friday pa ba? Napaaga ako. Sabi mo kasi agahan," pagbibiro ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr.

Ito ang biro ni Reyes matapos sabihin ni Panelo na agahan na lang ang pagpasok upang hindi mahuli sa trabaho o paaralan bunsod ng kaliwa't kanang aberya ng tren.

Noong nakaraang linggo, matatandaang pare-parehong nasira ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3, dahilan para tumagal nang husto ang pagbiyahe ng mga karaniwang mananakay.

Isasara rin ng siyam na buwan ang Santolan, Katipunan at Anonas station ng LRT-2 matapos magkasunog noong Huwebes sa nasabing linya.

Ayon pa kay Reyes, sasabayan nila si Panelo sumakay ng mga bagon. Sapat din daw ang haba ng "waiting time" sa LRT para mapag-usapan nila ang long-term solutions sa problema ng trapik at pampublikong transportasyon.

"[N]ais kong gamitin ang commute time kasama si Panelo para ilahad sa kanya ang problema ng mass transport system," wika ni Reyes ngayong Huwebes.

Aniya, ang dinadanas daw ngayon ng mga komyuter ay dulot ng nagpatong-patong na problema sa loob ng tatlong dekada.

Hindi raw sapat ang remedial measures upang tugunan ito.

"Pag-usapan natin sa byahe. See you sa Friday, Sal," wika ni Reyes.

Kahapon, matatandaang sinabi ni Panelo na hindi pa niya itinuturing na krisis ang nangyayari sa Metro Manila dahil kaya pa naman daw itong masolusyonan.

"Given naman nang nagdurusa ang commuters araw-araw. Hindi ibig sabihin na patuloy silang magdurusa. Hindi natin 'yan hahayaang maging permanente," sabi ng tagapagsalita ng presidente.

Sa ngayon, nakararating pa naman daw kasi ang mga mananakay sa pupuntahan nila at hindi pa naman daw napaparalisa.

'Dapat walang special treatment'

Sa kabila nito, umaasa ang Bayan na talagang mapagdadaanan ni Panelo ang dinadanas ng karaniwang tao sa Biyernes.

Dapat daw ay walang "hawi boys," body guards, special treatment at waiting cars ang tagapagsalita ng Pangulong Rodrigo Duterte.

"Dapat rush hour, katulad naming nagdurusang komyuter," ani Reyes.

Matatandaang sumakay naman ng MRT-3 noon si dating Transportation Secretary Jun Abaya noong 2014 upang patunayan sa publiko na ligtas sng linya ng tren, na palagiang pumapalya.

Gayunpaman, ginawa niya ito bandang ala-una ng hapon, panahon kung kailan kakaonti ang sumasakay ng tren.

"Ang punto [ng hamon] ay para talagang maintindihan ng top officials ang pinagdadaanan ng commuters para makagawa ng long-term solutions at short term relief measures," ani Reyes.

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

LRT-2

MASS TRANSIT SYSTEM

RENATO REYES

SALVADOR PANELO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with