^

Bansa

Panelo: 'Given' na ang arawang pagdurusa ng komyuter, pero walang krisis

James Relativo - Philstar.com
Panelo: 'Given' na ang arawang pagdurusa ng komyuter, pero walang krisis
Maliban dito, nanindigan ang Malacañang na minana lang nila sa nakaraang administrasyon ang problema sa pampublikong transportasyon.
File

MANILA, Philippines — Sa isang pahayag ngayong Miyerkules, pinanindigan ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang kanyang pahayag kahapon na "walang krisis sa mass transportation" ang Kamaynilaan.

'Yan ay matapos puruhan ng mga kritiko ng pamahalaan ang kanyang sinabi bunsod ng matinding trapik buhat ng pagkasunog sa LRT-2 noong nakaraang linggo.

"Kung tinignan lang ng mga nitpickers ang transcript ng mga sinabi ko kahapon, maiintindihan nilang noong sinabi ko [ito], ang ibig kong sabihin ay walang mass transit crisis kasi wala namang [naparalisa]," ani Panelo sa Inggles.

Ang kanyang sinabi ay patungkol sa statement ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr., kung saan sinabi niyang seryoso na ang sunod-sunod ang pagkasira ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 noong nakaraang linggo.

Bagama't hindi naman daw maikakailang may krisis sa "sufferance" ng mga mananakay at motorista, at krisis sa pangangasiwa ng LRT, kaya naman daw itong masolusyonan.

"Given naman nang nagdurusa ang commuters araw-araw. Hindi ibig sabihin na patuloy silang magdurusa. Hindi natin 'yan hahayaang maging permanente," dagdag niya.

Sa ngayon, ito raw ang dahilan kung bakit dumaraan sa rehabilitasyon ang MRT-3 at kung bakit itinatayo ang Metro Manila Subway, MRT-7, common station, LRT-1 Cavite Extension at Philippine National Railways Clark. 

'Minanang' problema

Sa kabila nito, walang perang ilalaan sa proposed 2020 budget para sa mga panibagong tren ng PNR, ayon sa ulat ng GMA News.

Maliban dito, nanindigan ang Malacañang na minana lang nila sa nakaraang administrasyon ang problema sa pampublikong transportasyon.

"Ang problema, 'yung mga haters at trolls, tingin nila hindi 'yan sapat... isinisisi pa nila sa Duterte administration ang sunog sa LRT-2," sabi ni Panelo.

Noong Lunes, matatandaang sinuspinde ang operasyon ng buong line 2 dahil sa mga problema sa telecommunications systems.

Kasalukuyang partial pa rin ang operasyon ng LRT-2 at tumatakbo lamang mula sa Cubao station hanggang Recto station.

Una nang sinabi ng Light Rail Transit Authority na aabutin ng hanggang siyam na buwan bago mabuksang muli ang Santolan, Katipunan at Anonas stations bunsod ng pinsalang tinamo noong ika-3 ng Oktubre.

"Malaki ‘yung damage. ‘Yung na-damage na parts are really big parts na imported po sila… Kailangan po natin na mag-import pa," ani LRTA spokesperson hernando Cabrera noong Biyernes.

Tinupok ng apoy ang carriageway sa pagitan ng Anonas at Katipunan station matapos mapatid ang rectifier substation 5.

Matapos ang insidente, ilang netizens na ang nagrereklamo na lalong humaba ang kanilang biyahe at pahirapan makasakay.

Privatization ng LRT-2?

Kahapon, ibinukas na rin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang posibilidad na tuluyang isapribado ang LRT-2 bilang solusyon sa kinakaharap ng mga mananakay.

"Seryoso, dapat nang tignan ng LRTA ang pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng LRT-2 upang maiwasan ang pagkaantala sa pagtakbo nito," wika ni Gatchalian sa isang pahayag.

Sa kasalukuyan, ang LRTA, na pinagmamay-arian ng gobyerno, ang siyang owner at namamahala sa maintenance at operations ng LRT-2.

Tanging ang LRT-2 at PNR na lamang ang mga tren na pinatatakbo ng pamahalaan sa ngayon.

"Sa ngayon ay pagsasapribado sa operasyon ng LRT-2 ang pinakamainam na solusyon," dagdag ni Gatchalian.

Kasalukuyang hawak ng Ayala Corporation at Metro Pacific Investments Corporation ang ownership ng LRT-1, habang ang Light Rail Manila Corporation naman ang may hawak ng operations at maintenance nito. Dating nasa ilalim ng LRTA ang LRT-1.

Samantala, ang pribadong Metro Rail Transit Corp. naman ang owner-builder ng MRT-3, habang ang Department of Transportation ang operator nito.

Pagmamay-arian ng DOTr ang MRT-3 matapos ang 25-taong concession period.

Sa kabila ng pagsasapribado ng LRT-1 at MRT-3, maya't maya pa rin ang pagkasira nito.

Kasabay ng sunog na naitala sa LRT-2 noong Huwebes, isinara rin ang Balintawak at Roosevelt stations ng LRT-1 dahil sa "mechanical issues."

Ang MRT-3 naman, nagkaroon ng "power supply problem" mula Ayala hanggang Taft Avenue station noong Miyerkules, dahilan para pababain ang 508 pasahero.

Notorious din ang MRT-3 sa serye ng mga pagkasira, lalo na noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sa kanyang tweet kahapon, inirehistro ni Reyes ang kanyang disgusto sa panukalang ibigay ang nalalabing LRT ng gobyerno sa mga negosyante.

"At naloko na. Hindi solusyon ang privatization. Gagawing negosyo ang tren? Sino ang mahihirap niyan?" banggit niya.

vuukle comment

LRT-1

LRT-2

MASS RAILWAY SYSTEM

MRT-3

RENATO REYES

SALVADOR PANELO

TRANSPORTATION CRISIS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with