Suspensyon 'normal lang para sa mga fighter lawyers,' ani Gadon
MANILA, Philippines — Minaliit ng kontrobersyal na abogado't taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Larry Gadon ang ipinataw sa kanyang suspensyon ng Korte Suprema mula sa pag-aabogado.
"Karaniwan ang suspensyon sa mga matitikas at kilalang abogado na lumalaban," banggit ni Gadon sa isang pahayag ngayong Martes sa Inggles.
Matatandaang pinatawan ng tatlong buwan, o 90-araw, na suspensyon sa law practice ang natalong senatorial bet kaugnay ng "bastos na pananalita" sa kapwa abogado.
"Minsan mahirap lang talagang tiising maging sarcastic at gumamit ng nakapang-iinsultong pananalita sa mabababaw na argumento ng kapwa abogado," dagdag niya.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, "guilty" sa "culpable violation" ng Rule 8.10, Canon 8 ng Code of Professional Responsibility si Gadon.
Ang desisyon ay nag-ugat mula sa 2009 disbarment case na inihain sa kanya ng dermatologist na si Helen Joselina Mendoza.
Ang mga nahahatulan ng disbarment ay habambuhay nang pagbabawalan sa pag-aabogado.
Matatandaang naging social media phenomenon si Gadon matapos pagsisigawan ng "bobo" at pagtaasan ng "dirty finger" ang mga nagproprotestang taga-suporta ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na noo'y kumakaharap sa impeachment.
Kanyang pagtataka ngayon, tila mas malaki ang atensyong inaani niya gayong marami naman daw abogadong nabibigyan ng mas malalang sanction.
Gadon nagpasalamat sa SC
Sa kabila ng parusa, nakuha pa ni Gadon na pasalamatan ang ilang mahistrado ng Korte Suprema, kabilang na roon ang ilang justices na noo'y binibira niya.
"Nagpapasalamat ako kay Associate Justice Antonio Carpio sa pagiging objective niya at tatlong buwang suspensyon lang ang binigay sa akin, at hindi disbarment o dalawang taong suspensyon," sabi pa niya.
Sinabi niya ito kahit na dati nang ipinanawagan ni Gadon na huwag siyang mailagay bilang chief justice matapos mapatalsik ni Sereno.
Una na ring sinabi ni Gadon na pwedeng ma-"impeach" si Carpio dahil sa pangingialam sa mga desisyon ng ehekutibo sa isyu ng West Philippine Sea.
"Kaya nire-respeto ko siya sa kanyang pagiging obhetibo sa aking suspensyon ng tatlong buwan 10 taon mula nang ihain ang kaso laban sa akin," dagdag pa niya.
Ikinatuwa rin niya ang pagsang-ayon ni Associate Justice Caguioa sa tatlong buwang suspensyon bagama't kritikal siya sa diumano'y mabagal na usad ng electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos.
Si Caguioa ang member-in-charge sa kaso ni Marcos, na kume-kwestyon sa pagkapanalo ni Bise Presidente Leni Robredo.
Kilalang loyalista naman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Gadon.
- Latest