2 whistleblowers sa PhilHealth scam, inaresto
MANILA, Philippines — Dalawang whistleblower na nagbunyag ng “ghost dialysis” scam sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District.
Ang pag-aresto kina Liezel de Leon, 36 at Edwin Roberto, 36 ay sa bisa ng warrant of arrest na may kinalaman sa kasong estafa na isinampa laban sa dalawa at dati nilang employer na si Bryan Sy ng WellMed Dialysis Center.
Nagrekomenda naman ang hukuman ng tig- P612,000 piyansa para sa pansamantala nilang kalayaan.
Nitong Hunyo nang kasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) sina de Leon, Roberto at Sy.
Ibinasura naman ng QC RTC Branch 219 ang mga kaso dahil sa kawalan ng jurisdiction noong Agosto ngunit muli itong isinampa ng DOJ sa QC MTC.
Nabatid na nawalan na ng immunity ang dalawa matapos maalis sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.
“Because the criminal case [where] they were supposed to testify was downgraded from the RTC to the MTC, hence, not a grave offense which is one of the requirements for WPP coverage,” ayon kay DOJ Sec. Menardo Guevarra na kinumpirmang tinanggal na sa WPP ang naturang mga whistleblowers.
- Latest