Magkakapatid na Sy #1 pinakamayayamang Pilipino, ayon sa Forbes
MANILA, Philippines — Nanguna sa listahan ng "Philippines' 50 Richest" ngayong 2019 ang mga anak ng noo'y pinakamayamang Pilipino sa bansa, ayon sa detalyeng inilabas ng Forbes magazine kamakailan.
Merong pinagsama-samang net worth na $17.2 bilyon ang magkakapatid na sina Teresita, Elizabeth, Henry Jr., Hans, Herbert at Harley — pawang mga anak ni Henry Sy Sr. na nagtatag ng SM Investments Corporation.
"Kalakhan ng pinagsama-sama nilang net worth ay nagmula sa stakes na mula sa publicly-traded SM Investments at SM Prime," ayon sa Forbes sa Inggles.
Nakilala ang kanilang ama, isang Tsinong lumipat ng Pilipinas noong siya'y 12-anyos pa lang, nang itayo niya ang ShoeMart noong 1958.
Lumago nang lumago ang kanilang negosyo hanggang sa maipatayo na ang 77 shopping malls: 70 sa Pilipinas at pito sa Tsina.
Namatay ang nakatatandang Henry ngayong Enero, habang siya ang ika-53 pinakamayamang tao sa mundo.
Maliban sa malls at retail industry, may taya din ng SMIC ang real estate development, banking at turismo.
"Habang ang arawang operasyon ay pinamamahalaan na ng mgas taga-labas, umuupo pa rin ang mga magkakapatid sa boards ng grupo at ginagabayan ang kabuuang stratehiya ng SM," sabi pa ng Forbes.
Narito ang listahan ng 10 pinakamayayaman sa Pilipinas batay sa net worth:
- magkakapatid na Sy ($17.2 bilyon)
- Manuel Villar ($6.6 bilyon)
- John Gokongwei, Jr. ($5.3 bilyon)
- Enrique Razon, Jr. ($5.1 bilyon)
- Jaimes Zobel de Ayala ($3.6 bilyon)
- Lucio Tan ($3.6 bilyon)
- Tony Tan Caktiong ($3 bilyon)
- Ramon Ang ($2.8 bilyon)
- magkakapatid na Ty ($2.6 bilyon)
- Andrew Tan ($2.55 bilyon)
- Latest