SWS: 86% ng Pinoy positibo pa rin ang pananaw sa buhay
MANILA, Philippines — Sa kabila ng samu't saring isyu na kinakaharap ng bansa, lumalabas na mayorya pa rin ng mga Pilipino ang may positibong pananaw sa buhay, ayon sa pag-aaral na inilabas ng Social Weather Stations ngayong Martes.
Isinagawa ng SWS ang kanilang Anamnestic Comparative Self-Assessment sa 1,440 Pilipino, edad 18 pataas, mula ika-16 hanggang ika-19 ng Disyembre 2018.
Sa pag-aaral, sinasabing 86% sa mga Pilipino ang nagbigay ng positibong rating sa kanilang kasalukuyang buhay, 4% naman ang neutral habang 10% ang nagbigay ng negatibong puntos.
Ang positibong scores ay mula +1 hanggang +5, 0 naman ang neutral habang -1 hanggang -5 ang negatibo.
Kung pagsasama-samahin ang lahat ng puntos at idi-divide sa kabuuang bilang (mean), +2.60 ito sa ikaapat na kwarto ng 2018.
Mas marami ang positibo noong Disyembre 2017 sa puntos na 87%, 6% ang neutral habang 7% ang negatibo.
Mas mataas ang mean ACSA rating ng Pilipinas noong 2017 sa +2.82.
Kahirapan, gutom at pagkapositibo
Kapansin-pansin din sa pag-aaral na mas negatibo sa buhay ang mga kinikilala ang sarili bilang mahihirap (poor) kumpara sa mga hindi mahihirap (non-poor).
Makikita na +2.36 lang ang mean ACSA ng mahihirap habang +2.83 ito sa mga hindi mahihirap.
Mas positibo ang mga mahihirap (+2.42) at hindi mahihirap (+3.12) noong 2017.
Tila mas nagiging negatibo naman ang mga nakaranas ng kagutuman noong 2018 (+1.96) kumpara sa mga nagutom noong 2017 (+2.38).
Bumaba rin ang pagkapositibo ng mga hindi nakaranas ng gutom noong 2018 (+2.67) kumpara noong naunang taon (+2.90).
Pinakamataas ang mean ACSA scores ng mga middle-to-upper classes ABC sa +2.97 na sinundan ng class D sa +2.71.
Pinakamababa ang mean ACSA scores sa class E, o pinakamahihirap, sa +1.90.
Noong Disyembre 2018, makikita ring mas positibo ang mga kababaihan (+2.63) kumpara sa mga kalalakihan (+2.57).
Ang ACSA scale ay unang pinaunlad ng Belgian Oncologist na si Dr. Jan Bernheim bilang panukat ng "well-being" ng mga cancer patients na nagpapagaling. — may mga ulat mula sa News5
- Latest